SA lahat ng mga ipinangako ni Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas, ang ipinangako niya, may isang linggo na ang nakalilipas, sa kanyang pangangampanya sa Bicol, partikular na sa Camarines Sur, ang pinakanakakatawa. At sa katatawa, kung mamalasin, ay kinabagan ang iba.
Sa pangako niya, sinabi niyang lilikha siya ng isang milyong trabaho taun-taon kapag siya ang nahalal na pangulo.
Sta. Mesang nakakamisola! Isang milyong trabaho taun-taon? Hindi kaya puwedeng isama ito sa “Believe It or Not”?
Ilang taon na sa tungkulin si Roxas. Lahat na yata ng puwesto sa gobyerno ay napasok na niya. Buhat sa pagiging senador na wala naman siyang ginagawa, hanggang sa pagiging Cabinet Secretary ng kung anu-anong departamento ay wala siyang record, kahit isa manlang, na nakapagkaloob siya ng trabaho sa mamamayan. Isang milyong trabaho pa kaya?
Sa buong panahon ng panunungkulan ni Pangulong Aquino at ng “Daang Matuwid” ay lagi na siyang naroroon at nakatanghod. Higit pa sa isang napulot na kapatid ang turing sa kanya nito. Pero ang milyun-milyong trabaho ba na matagal nang problema ng bansa ay hindi niya naiungot sa Pangulo? Bakit sa kawalan ng trabaho ay maraming nangho-hold up, nagnanakaw, nag-aakyat-bahay at kung anu-ano pa?
Nang hawakan niya ang Department of Transportation and Communication ay matino ang ating mga tren. Pero nang pamahalaan niya ang MRT at LRT, ay nagkahetot-hetot? Kaliwa’t-kanang kapalpakan. At natadtad pa ng mga anomalya?
Bakit nang magkaaberya ang insidente sa Mamasapano, bilang DILG secretary, ay wala siyang naintindihan? Nakadilat ang kanyang mga mata ay panis ang kanyang laway?
Iyan marahil ang dahilan kung bakit kahit na anong gawin at ipagpilitan man siyang iendorso ni Pangulong Aquino ay hindi siya umangat-angat sa mga survey? Bakit sa kabila ng lahat ng pangangailangan sa pangangampanya ay ibinubuhos na sa kanya ay wala pa rin? Halos kulelat pa rin?
Ang tunay na dahilan ng hindi pag-angat ni Roxas sa mga survey ay dahil sa KREDIBILIDAD. Banyaga na ang katawagang ito para sa anumang kanilang sabihin.
Wa-epek na! (ROD SALANDANAN)