Kakasa si dating WBC International flyweight champion Rey Migreno kay ex-world rated Jonathan Ba-at para sa interim Orient Pacific Boxing Federation (OPBF) bantamweight title sa Abril 1 sa L’Fisher Hotel sa Bacolod City, Negros Occidental
Dating nakalista sa WBC flyweight rankings si Migreno na umakyat ng timbang at nagwagi sa kanyang huling akyat sa lona.
Sumikat si Migreno nang talunin si dating WBC flyweight titlist Pongsaklek Wonjongkam via 6th round TKO noong Nobyembre 1, 2012 sa Ratchima, Thailand.
Halos pitong taon nang nagkakampanya sa Japan si Ba-at na sa kanyang huling laban ay natalo sa kontrobersiyal na 10-round unanimous decision kay Venezuelan Liborio Solis para sa WBA Fedecaribe bantamweight title noong Disyembre 17 sa Arena Roberto Duran sa Panama City, Panama.
Sa iba pang laban, sasagupa si Carlo Magali kontra Mark Gil Melligen para sa interim OPBF super featherweight title samantalang haharap si Rene Dacquel sa walang talong Thai boxer na si Lucky Tor Buamas ng Thailand para sa interim OPBF super flyweight crown. (Gilbert Espeña)