HINDI ko malilimutan ang malagim ngunit makasaysayang araw, ang Marso 17, 1957. Sa araw na ito bumulusok ang presidential plane sa Mt. Pinatubo na sinasakyan ni dating Presidente Ramon Magsaysay at ng ilang miyembro ng kanyang Gabinete, kabilang na rito ang mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC). Sa pagbagsak ng eroplano sa Mt. Manungal sa kabundukan ng Cebu, ang tanging nakaligtas sa insidente ay ang kapatid nating peryodista – si Nestor Mata.
Ipinagluksa ng sambayanang Pilipino ang kamatayan ni Magsaysay – ang tinaguriang ‘Man of the Masses’. Ang kanilang pagluluksa ay may kaakibat na panghihinayang sa mga makabuluhang programa na hindi ganap na naisakatuparan ng dating pangulo dahil nga sa nangyaring insidente.
Kabilang dito ang kanyang mga simulain na laging nagiging bahagi ng mga patakaran ng kanyang administrasyon, lalo na ang pagdakila sa mga kabataan, tulad ng sumusunod:
“Tinatawagan ko ang ating mga mag-aaral na sila, bilang pag-asa ng ating malayang bayan, ay itaguyod nang buong lakas at sidhi, ang simulain ng tapat na makabayang Pilipino. Idinidiin ko ang salitang tapat, sapagkat hanggang ngayon ay wala pang nakauunawa sa ating lahing makabayan na nararapat nating ipagmalaki. Hinihiling ko ang isang pagkamakabayang makatarungan, at hindi yaong nakasasama sa sarili. Ito’y hindi nangangahulugan na ‘di na dapat pansinin ang ating mga pagkakamali at mga pagkukulang.
“Si Rizal na laging huwaran ay gumamit ng pagpuna sa sarili nang walang pangamba at hindi minamasama ang isang kapurihang karapat-dapat sa ating sarili. Ang ibig kong ipakahulugan sa isang tapat na pagkamakabayan at yaong ginagamitan ng damdaming tunay na Pilipino, ng ating mga karapatan, ng ating mga kaugalian, nang hindi pumapansin kung paano natin natamo ang mga ito, at papaunlarin sa mga ito ang isang kalingang malinis na masasalaminan ng pagkamakabayan at ng mga tapat na hangarin. Hinihiling ko yaong isang pagkamakabayang nagpapalawak sa ating kabuhayan kaysa nagbabalik sa walang-muwang na nakalipas.
“Kakaiba sa daigdig ng ating mga ninuno, ang mundo sa ngayon ay lumiliit hanggang ang mga kaisipan at karanasan ng mga tao ay maging tigang na lupa kaysa mga buwan, o mga taon. Ngunit pagsumikapan natin kahit paano, na ang ating mga simulain ay magkaugat nang malalim sa lupa ng ating mga ninuno; hayaan natin ang ating talino na hanapin ang katwiran, liwanag, at sandigan, bilang ikauunlad ng ating bansa, saan mang pook ng mundo matatagpuan ang mga ito.”
Mensahe rin ito sa lahat ng makabayang Pilipino. (CELO LAGMAY)