Kinasuhan ang aktor at dating gobernador ng Laguna na si Emilio Ramon “ER” Ejercito, gayundin ang bise alkalde at ilang dating konsehal ng Pansanjan dahil sa pagpabor umano sa isang insurance company para sa mga bangkero at turista sa Pagsanjan Gorge.
Naghain kahapon ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng kasong paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) laban kay Ejercito, na kilala rin sa screen name niyang Jeorge Estregan Jr.
Bukod sa pamangkin ni dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada, kinasuhan din si incumbent Pagsanjan Vice Mayor Terryl Talabong, dating Vice Mayor Crisostomo Vilar, at ang mga dating konsehal na sina Arlyn Torres, Kalahi Rabago, Erwin Sacluti, Gener Dimaranan, at Ronald Sablan.
Kinasuhan din si Marilyn Bruel, ang may-ari ng First Rapids Care Ventures (FRCV).
Inirekomenda ng Ombudsman na magpiyansa ng P30,000 ang bawat akusado.
Batay sa kasom alkalde pa noon si Ejercito sa Pagsanjan nang siya at ang mga kapwa niya akusado, na noon ay pawang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Pagsanjan, ay pumasok sa memorandum of agreement (MOA) sa FRCV noong 2008 upang magkaloob ng accident protection at ayudang pinansiyal sa mga bangkero at turista Pagsanjan Gorge Touris Zone na tumutumbok sa Pagsanjan falls. (JEFFREY DAMICOG)