Hataw si Raymark Woo sa naiskor na career-high 33 puntos sa impresibong panalo ng La Salle Green Spikers kontra University of Santo Tomas Golden Tigers kahapon sa UAAP Season 78 men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan.

Tinampukan ni Woo ang matikas na opensa sa anim na puntos sa final set para sandigan ang La Salle sa 20-25, 25-12, 22-25, 25-22, 15-11 panalo at manatiling malinis sa ikalawang round ng elimination.

Sa ikatlong sunod na panalo ng Green Spikers, nahila nila ang karta sa 4-6 at pantayan ang UST para sa ikaanim na puwesto sa overall team standings.

“Nagising na ang team ko. Kasi nga noong first round napansin namin na lumalaban kami pero pagdating sa dulo bumibigay,” sambit ni La Salle head coach Ronald Dulay.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“So nag-usap-usap kung ano ang dapat gawin, at ‘yun nga nagkasundo na huwag tayong mada-down kung nalamagan na tayo.

Isa ‘yun and ‘yung second ‘yung mga adjustments na ginawa namin.”

Nag-ambag si John Onia sa Green Spikers na may 13 puntos, habang kumana si Levin Dimayuga ng siyam na puntos, at gumawa si playmaker Geuel Asia ng 35 excellent setting.

Nanguna si Arnold Bautista sa Tigers na may 14 puntos.

Pinatatag din ng Adamson University ang kampanya sa Final Four nang pabagsakin ang Far Eastern University Tamaraws, 14-25, 25-22, 25-21, 25-19.

Pinutol ng Falcons ang two-game slump para sa 7-3 karta at makuha ang solong ikalawang puwesto sa likod ng nangungunang Ateneo Blue Eagles (9-1).