Isang bagong hamon ang nakatakdang harapin ni dating UAAP two- time MVP na si Kiefer Ravena sa kanyang pagsabak bilang tournament director sa kauna-unahang Inter- Collegiate 3x3 Invitationals sa Marso 19-20, sa Xavier School Gym at SM Mall of Asia Music Hall.

Tampok ang 131 player mula sa UAAP champion Far Eastern University, NCAA titlist Letran, Ateneo , San Beda at iba pa na nagmula sa iba’t ibang liga.

“Gusto lang namin ipakita ang talent ng Pinoy lalo na sa 3x3,” pahayag ni Ravena, patungkol sa torneo na suportado ng Samahang Basketball ng Pilipinas, sa pagtataguyod ng Mighty Sports,Akari, My Phone, SM Mall of Asia, Toby’s, Titans, The Frazzled Cook, Xavier School, Ambucare and Terravibe.

Ang 131 player mula sa 32 koponan ay hahatiin sa dalawang grupo na maglalaro sa single round robin elimination sa Xavier bago lumipat ng SM MOA Music Hall para sa knockout stage.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Gagamitin sa torneo ang official FIBA 3x3 rule kung saan tatanggap ang magkakampeon ng premyong P200,000 na ang kalahati ay mapupunta sa kanilang school, habang tatanggap naman ang 2nd at 3rd placers ng P100,000 at P50,000, ayon sa pagkakasunod.

Ayon kay Ravena, simula pa lamang ito ng pagdaraos nila ng mga torneo ng kanilang grupo na binubuo nina Anton Altamirano, PH Internet pioneer JR Contreras at UAAP head statistician Pong Ducanes sa iba’t ibang panig ng bansa.

“We want to expose Filipinos to 3x3 format.Sobrang bagay siya sa tin considering a lot of us play in half court everywhere,” ani Ravena.

“We”all bring this to the countryside and hope to help develop a grassroots program for 3x3 too,” aniya.

(Marivic Awitan)