Ipinahayag ng Confederation of Coconut Farmers (ConFed) na buo ang kanilang suporta sa kandidatura ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagka-bise presidente sa darating na halalan.

Ayon kay Efren Villaseñor, tagapagsalita ng nasabing grupo, si Marcos ang napipisil ng grupo sa hanay ng mga vice presidential candidate, habang si Senator Grace Poe naman ang nais nilang maging pangulo ng bansa.

Nilinaw ni Villaseñor ang nasabing usapin matapos maglabasan ang ulat na si Poe at katambal nitong si Sen. Francis “Chiz” Escudero ang napipisil ng grupo ng magniniyog na aabot sa 3.5 milyon ang kasapi sa buong bansa.

Aniya, malayo sa ikalawang puwesto si Escudero kontra kay Marcos na magkaroon sila ng pagpili kung sino ang kanilang susuportahan.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi pa ng mga ito na malinaw ang plataporma ni Poe at ni Marcos sa pagtataguyod sa kapakanan ng mga magniniyog.

Ang ConFed ay binubuo ng halos 90 porsiyento ng magniniyog sa buong bansa.

Ipinagtanggol din ni Villaseñor si Poe sa mga batikos matapos nitong sabihin na hindi na dapat isama sa isyu ng bilyones na “coco levy fund” ang negosyanteng si Eduardo “Danding” Cojuangco na itinuturong “administrator” noong termino ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, na ama ni Sen. Bongbong.

Tulad ng unang pahayag ni Poe, sinabi ng coconut farmers na “non-issue” si Cojuangco sa usapin ng coco levy fund matapos nilang maipanalo sa Korte Suprema ang pagbabalik ng pondo sa mga magniniyog pagkaraan ng halos 40 taon na labanan sa korte.

Binatikos din ni Villaseñor si Pangulong Aquino sa hindi pagsunod sa desisyon ng SC na ilagay sa “escrow account” sa isang bangko ang P79 bilyon na coco levy fund. (Leonel Abasola)