Pinakakasuhan kahapon ng graft sa Sandiganbayan si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at pitong iba pa kaugnay ng pagkakasangkot umano ng mga ito sa malaking sunog sa Kentex manufacturing corporation na nagresulta sa pagkasawi ng 76 na katao noong 2015.
Sa pahayag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, bukod kay Gatchalian, iniutos din na kasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple physical injury sina City Marshal Mel Jose Lagan, Senior Insp. Edgrover Oculam, sina Fire Safety Inspector Rolando Avendan at Ramon Maderazo, Building Permit Licensing Office OIC Renchi May Padayao, Licensing Officer Eduardo Carreon, at ang may-ari ng Kentex na si Ong King Guan, kilala rin bilang “Terence King Ong.”
Paliwanag ng Ombudsman, binigyan ng business permit at fire safety inspection certificate (FSIC) ng mga opisyal ng Valenzuela ang kumpanya sa kabila ng mga paglabag nito sa Fire Code.
“Based on the investigation, Kentex failed to install a wet standpipe system, [had] unserviceable extinguishers, [lacked] automatic fire alarm and sprinkler system, and [did not conduct] fire exit drills for workers,” pagdidiin ni Morales.
Tinukoy din ng Ombudsman ang mga affidavit ng mga testigo na nagsabing “ang exit gate ng Kentex company ay naka-padlock, walang water sprinkler, fire extinguisher, fire alarm, at sarado rin ang grill ng mga bintana nito”.
Sa kabila, aniya, nito, binigyan pa rin ng permit ng pamahalaang lungsod ang Kentex upang makapag-operate.
“The respondents’ acts or omissions, taken together, indicate a common understanding among them to turn a blind eye to Kentex’s delinquency and its foreseeable consequences. Ong cannot evade criminal liability for the loss of lives as the safety of all persons and all operations within the premises rested upon his shoulders,” ayon pa sa anti-graft agency. (Rommel P. Tabbad)