KATULAD ng lagi kong ipinahihiwatig, hindi ako makapaniwala na may matinding iringan na namamagitan kina Presidente Aquino at Vice President Jejomar Binay. Sa kabila ng mga patutsadahan, hindi kumukupas ang mabuting pagtitinginan ng kanilang mga pamilya.

Totoo, maraming pagkakataon na tinalampak ni Binay ang administrasyon ni Aquino dahil sa kabi-kabilang kapalpakan na gumigimbal sa gobyerno. Lalo na ang ipinangangalandakang “Matuwid na Daan” na sinasabing nakadidiskaril sa mabuting pamamahala.

Walang patumangga ang pagtuligsa ni Binay sa nakadidismayang pamamahala sa LRT-MRT transport system na umano’y nababahiran ng kahina-hinalang mga transaksiyon na kinapapalooban ng nakalululang halaga ng mga kontrata. Kabilang dito ang sinasabing masalimuot na pagpapatupad ng conditional cash transfer (CCT) na nababahiran ng pamumulitika; umano’y talamak na selective justice o hindi patas na paglalapat ng katarungan lalo na sa mga nasasangkot sa karumal-dumal na krimen. Ang lahat ng ito, tulad ng dapat asahan, ay mariin namang itinatanggi ng administrasyon.

Subalit sa paglalahad ng nabanggit na mga kapalpakan, galit na galit at paulit-ulit na isinisigaw ni Binay: “Nasaan ang gobyernong ito?” Ang kanyang walang puknat na pagbatikos sa gobyerno ay sinundan ng kanyang pagbibitiw sa administrasyon ni Aquino.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa aking pananaw, ang matinding patutsadahang ito ay hindi magiging dahilan ng paglalayo nina Aquino at Binay.

Maaaring pakitang-tao lamang, subalit nakaiintriga ang kanilang pagdadaupang-palad sa mga official functions hindi lamang sa Malacañang kundi maging sa graduation ceremonies ng Philippine National Police Academy at Philippine Military Academy, kamakailan.

Isa pa, at ito ang pinakamahalaga, utang ni Binay kay Presidente Cory Aquino ang mga oportunidad na makapaglingkod sa bayan. Isang malaking kawalan ng utang na loob kung ito ay kanyang ipagwawalang-bahala.

Buong-buo ang pagtitiwala nina Binay at Aquino sa isa’t isa. Sa mga pagpupulong ng mga kaalyado ni Binay, lagi niyang sinasabi kay Aquino: “Matulog ka nang mahimbing at walang aagaw sa iyong puwesto.” Ibig sabihin, wala sa kanyang hinagap na patalsikin si Aquino.

Ang pagtanaw ng utang na loob ni Binay sa mga Aquino ay walang bahid ng pulitika. (CELO LAGMAY)