LEGAZPI CITY – Kasado na ang sisterhood ng Bulkang Mayon sa Albay at Mt. Fuji, ang sagradong bundok ng Japan sa Fuefuki City, Yamanashi Prefecture.
Itinuturing na “major marketing tourism coup” sa travel industry ng mundo, nakumpleto kamakailan ang balangkas ng Mayon-Fuji sisterhood sa pulong sa Fuefuki City, na dinaluhan ng delegasyon mula sa Albay, kabilang sina Department of Tourism (DoT)-Region 5 Director Maria Ravanilla, Tourism Attaché to East Japan Gwendolyn Batoon, at apat na bokal ng lalawigan, kasama ang mga opisyal ng Fuefuki City.
Sinusuri pa ang balangkas ng kasunduan, si Albay Gov. Joey Salceda ang nagpanukala ng sisterhood na pinaniniwalaang higit na makapagpapasigla sa turismo sa buong bansa.
Nauna rito, idineklara ng DoT ang Albay bilang pinakamabilis sumulong na tourist destination; mula sa 8,700 dumadagsa sa lalawigan noong 2006 ay lumobo na ito sa 339,000 noong 2014—at pumalo sa 376,000 noong nakaraang taon.
Nasa 12,380 talampakan ang taas ng Mt. Fuji, at 8,000 talampakan naman ang taas ng Mt. Mayon. Parehong napaliligiran ng mga national park ang dalawang bulkan at kapwa dinadagsa ng mga turista at mountaineers. Isang UNESCO Heritage Site ang Fuji, samantala malapit nang magawaran ng kaparehong titulo ang Mayon.
Mismong ang Albay ay nominado bilang UNESCO Biosphere Reserve, at tinatalakay ito ngayon sa World Congress on Biosphere Reserve (Marso 12-18, 2016) sa Lima, Peru.