Sibak na ang University of the East sa Final Four. Sino ang susunod?
Target ng University of Sto. Tomas Tigers at De La Salle Green Spikers na makaagapay pa sa kanilang kampanya na makaabot sa semifinals sa krusyal na laro ngayon sa second round elimination ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang UST at La Salle sa tampok na laro sa ganap na 10:00 ng umaga kung saan inaasahang ibubuhos ng magkabilang kampo ang lahat maging pamato’t panabla para manatilingbuhay ang pag-asa na makasampa sa Final Four.
Sa pangunguna nina Jason Sarabia, Manuel Medina at Arnold Bautista, tangan ng Tigers ang three-game winning streak at puntirya na makaulit sa Spikers na nilapa nila sa first round, 25-23, 25-21, 25-19.
Galing sa 26-24, 25-23, 25-23, panalo ang UST laban sa Adamson Falcons nitong Sabado. Bunsod nito, tangan ng Espana-based squad ang 4-5 karta sa likod ng University of the Philippines (5-5).
Nasa ikapitong puwesto ang DLSU na may 3-6 marka matapos magwagi sa Far Eastern U Tamaraws, 26-24, 19-25, 25-23, 25-21.
Nangunguna ang Ateneo de Manila (9-1), sigurado na sa playoff, kasunod ang National University (6-4), Adamson (6-3) at FEU (5-4).
Target pa rin kapwa ng Adamson University at Far Eastern University na makahabol sa kanilang pagtutuos sa unang laro sa alas-8 ng umaga.
Kapwa matikas ang naging kampanya ng Falcons at Tamaraws sa unang round, ngunit sunud-sunod na kabiguan ang kanilang natikman na naging dagok sa kanilang kampanya sa Final Four.