Sa Pilipinas mababakas ang matinding banta ng climate change, dahil tumataas ng mahigit 14 millimeters kada taon ang karagatang nakapaligid sa bansa, o limang beses na mas mataas kaysa global average.

Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje, batay sa satellite data mula 2002 hanggang 2014, tumaas ang dagat malapit sa Pilipinas ng mahigit 14 millimeters kada taon. Masyadong mataas ito kumpara sa karaniwang global sea rise na nasa three millimetres lang bawat taon.

Pinakamalaki ang panganib na nakaamba sa mga komunidad na nasa dalampasigan dahil na rin sa banta ng mapaminsalang storm surge, tulad ng nanalasa sa Tacloban City, Leyte, sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 8, 2013.

“There is increased urgency to act on climate change, and while Earth Hour is symbolic, we must go beyond one hour each year,” sabi ni Paje.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Muling makikiisa ang Pilipinas sa Earth Hour sa Sabado, Marso 19, kaya naman hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang publiko na makibahagi sa Earth Hour, o sa isang oras na switch off ng lahat ng de-kuryenteng appliances at ilaw, na magsisimula sa ganap na 8:30 ng gabi.

“Patayin po natin ang lahat ng ating appliances at mga gamit na gumagamit ng electricity. Ito po ay para makapagpahinga ang atin pong mundo,” panawagan ni Tagle sa panayam ng Radyo Veritas. “At sabi nga po ni Pope Francis, kailangan natin ng Ecological Justice, kailangan ding maramdaman ng ating kalikasan ang ating mabuting pakikitungo, bigyan po natin siya ng kaunting pahinga.”

Taong 2007 nang unang isagawa ang Earth Hour sa Sydney, Australia, at nang sumunod na taon ay Pilipinas ang naging unang bansa sa Asia na nakilahok sa nasabing programa.

Dahil milyun-milyong Pinoy ang nakilahok sa mga sumunod na Earth Hour, nakamit ng Pilipinas ang titulong “Earth Hour Hero Country” mula 2009 hanggang 2013. (Ellalyn de Vera at Mary Ann Santiago)