Binabalak ng Bureau of Corrections (BuCor) na ilipat ang mahigit 1,000 preso mula New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City patungo sa tatlong penal colony sa mga lalawigan.
Ayon kay BuCor Director Ranier Cruz III, bahagi ito ng pagsasaayos sa mga ginibang istrukturang sa loob ng NBP kamakailan kaugnay sa serye ng “Oplan Galugad” ng mga awtoridad laban sa mga iligal na kontrabando sa pambansang piitan.
Upang maibsan ang siksikan ng mga preso sa bawat selda, plano ng BuCor na hatiin ang mahigit 1,000 preso patungo sa mga kulungan sa Iwahig sa Palawan, Sablayan sa Mindoro at Davao Penal Colony sa Davao Oriental.
Apektado ng paglilipat ang mga presong nakapiit sa Maximum at Minimum Security Compound dahil sa labis-labis ng bilang ng mga ito sa bawat selda.
Nilinaw ni Cruz, na maiiwan sa NBP ang mga bilanggong may sakit at matatanda.
Unang inihayag ng BuCor ang pagpapatupad ng modernisasyon sa mga pasilidad ng NBP upang bigyan ng kaginhawaan at maayos na piitan ang mga preso. (Bella Gamotea)