NAPAPAGITNA ang Korte Suprema sa dalawang kontrobersiya dahil sa magkasunod nitong desisyon noong nakaraang linggo kaugnay ng eleksiyon sa Mayo 9, 2016.
Sa desisyong 14-0, ipinag-utos ng Korte Suprema sa Commission on Elections (Comelec) na gamitin nito ang feature ng mga vote counting machine para makapag-imprenta ng voting receipt sa bawat botante. Isa itong security feature na hindi ginamit ng Comelec sa dalawang huling automated election, bagamat inoobliga ito sa Poll Automation Law, kasama ng iba pang features.
Para sa eleksiyon sa Mayo, pinili ng Comelec na gamitin ang on-screen verification feature, na nagpapahintulot sa botante para makita kung ano ang nai-record ng makina; ngunit walang papel na resibo. Iginiit ng Comelec na ang pag-iisyu ng papel na resibo ay magpapahaba lamang sa oras ng pagboto, gayung walong oras lang ang itinakda sa botohan. Inihayag ng ilang opisyal ng Comelec na posibleng maipagpaliban ang halalan sa Mayo 9, habang humahanap ito ng paraan para makatupad sa kautusan ng kataas-taasang hukuman.
Dapat mabatid ng Comelec na maraming grupong nagsusulong ng malinis na halalan ang masusing nakatutok sa kasong ito.
Kabilang sa mga ito ang mga patuloy na naghihinalang maaaring i-program ang mga vote counting machine upang maglabas ng partikular na resulta. Tinanggap nila ang desisyon ng Korte Suprema upang, sa unang pagkakataon, ay magkaroon ng “paper trail”, kahit pa gaano kanipis, para may patunay na aktuwal na nabilang ang kanilang boto. Naghain na ang Comelec ng motion for reconsideration. Umasa tayong paninindigan ng Korte Suprema ang orihinal, 14-0, nitong desisyon.
Tungkol naman sa isa pang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng diskuwalipikasyon laban kay Sen. Grace Poe Llamanzares, kinuwestiyon ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ang orihinal na deklarasyon na pinahintulutan ng korte na kumandidato sa pagkapangulo ang senadora sa botong 9-6. Sinabi ni Carpio na sa usapin kung ang isang sanggol na pulot ba ay natural-born citizen—kaya kuwalipikadong kumandidatong presidente ng bansa—ang boto ay 7-5-3.
Siyam na mahistrado ang bumoto upang payagan si Poe na kumandidato sa pagkapresidente, ngunit dalawa sa siyam ang nagsabing hindi dapat na magpasya ang korte sa usapin ng citizenship. Kaya pitong mahistrado lang ang nagdeklara na ang isang pulot ay natural-born citizen, ayon kay Carpio, at ang pito ay hindi mayorya sa korteng may 15 kasapi.
Mahalagang linawin ng Korte Suprema ang bagay na ito tungkol sa aktuwal na botohan. Kailangan natin ng perpektong deklarasyon sa kung ano talaga ang napagdesisyunan. At kailangan natin ang katiyakan na ito ay alinsunod sa Konstitusyon. Nais nating isagawa ang paghahalal ng susunod na presidente nang may buong kumpiyansa na maayos ang lahat, at walang anumang usaping hindi pa nareresolba na maaaring magdulot ng problema kalaunan.