Nagpahayag ng pagkabahala si dating Iloilo 5th District congressman Rolex Suplico sa pagpataw ng U.S. Commerce Department ng export restrictions sa ZTE Corporation, matapos lumutang ang mga dokumento na iligal na nagluluwas ang mobile phone maker ng mga produkto nito sa Iran, isang malinaw na paglabag sa export control laws ng Amerika.
Bunga nito, bawal nang ma-export ang ZTE ng mga kalakal nito, tulad ng computer, software at telecommunications equipment, sa mga kumpanya sa U.S.
Ayon sa mga analyst, malaki ang magiging epekto nito sa ZTE, ang pangalawang pinakamalaking supplier ng telecommunications equipment sa China kasunod ng Huawei.
Sinabi ni Suplico na ang U.S. sanctions ay maaaring makaapekto sa equipment partnership ng ZTE sa San Miguel Corporations (SMC) at sa Australian company na Telstra sa Pilipinas, dahil sa kuwestyunableng integridad ng Chinese company.
Si Suplico ay isa sa mga nagsampa ng impeachment compliant laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa umano’y sa maanomalyang ZTE-National Broadband Network (NBN) contract noong 2007.
Pinawi naman ni SMC President at Chief Operating Officer Ramon Ang ang mga agam-agam kaugnay sa ZTE, ikinatwirang hindi sila government company at magpapatuloy ang kanilang partnership dahil mabuti ang kanilang hangarin.
(Jun Fabon)