SA paggunita sa dalawang makasaysayang bulwagan at lugar – Senado at Plaza Miranda—na naging bahagi ng buhay-pulitika ni dating Senate President Jovito Salonga, dalawa ring makabuluhang katanungan ang lumutang: Magkapareho ba ang Senado noon at ngayon? Ano ang pagkakaiba ng dati at kasalukuyang Plaza Miranda?
Noong panahon ni Salonga at ng kanyang mga kapanahong mambabatas, nasaksihan natin ang pagsilang ng isang uri ng pulitika na marangal at may integridad. Mawalang-galang na sa kasalukuyang henerasyon ng mga Senador at Kongresista, ang pagganap ni Salonga sa tungkulin ay mahirap mapantayan. Makatuturan ang kanyang binalangkas at napagtibay na mga batas, lalo na ang hinggil sa marangal at tapat na serbisyo sa gobyerno. Matindi ang kanyang pagtutol sa mga katiwalian, pagmamalabis sa kapangyarihan at pandarambong sa salapi ng bayan. Sa lahat ng pagkakataon, tinutuligsa niya ang tandisang paglabag sa karapatang pantao, lalo na noong panahon ng diktadurya. Walang makalilimot sa mahigpit na pagtutol ni Salonga, at ng ilang Senador, sa pag-iral ng RP-US Bases Treaty sa bansa.
Muli, mawalang-galang na sa kasalukuyang mga Senador, ‘tila mahirap na nating masaksihan ang mga mambabatas na katulad ng kategorya at kalibre ni Salonga, at ng mga dating Senador na sina Gerry Roxas, Benigno Aquino, Jr., Jose Diokno, Ferdinand Marcos, Soc Rodrigo, Arturo Tolentino, Claro Recto, at iba pa. Sayang at sila, katulad ni Salonga, ay maagang sumakabilang-buhay. Masaksihan pa kaya natin ang isang uri ng pulitika na ipinamana nila sa atin?
Lalong hindi natin malilimutan ang kaugnayan ng makasaysayang Plaza Miranda sa buhay ni Salonga. Naglalantad ito ng malaking pagkakaiba sa noon at ngayon ng naturang liwasan na tinaguriang ‘market of ideas and opinions’. Ibig sabihin, dito nasasaksihan ang tagisan ng talino at paninindigan na gumigimbal sa lipunan; mga isyu na dapat lamang ipagtanggol sa Plaza Miranda.
Subalit para kay Salonga, ang naturang liwasan ay naging saksi ng nakakikilabot na pambobomba sa miting de avance ng Liberal Party, 45 taon na ang nakalilipas. Naging dahilan ito ng pagkabulag ng isa niyang mata at pagkabingi ng isa niyang tenga. Marami pang shrapnel fragment ang nakabaon sa kanyang katawan. Ang mga ito, at ang kanyang pagiging isang marangal na Senador, ay tinaglay niya hanggang sa kanyang kamatayan kamakailan. (CELO LAGMAY)