LOS ANGELES (AFP) -- Iginiit ni tennis great John McEnroe na lubhang imposible ang naging pahayag ni Maria Sharapova na hindi niya alam na ‘banned’ ang gamot na kanyang ginagamit bilang medisina sa karamdaman.
Ayon sa seven-time Grandslam champion, na kahit Enero 1 lamang naging opisyal na banned ang gamot na ‘meldonium’, may kaalaman na ang kampo ni Sharapova at maging siya mismo na hindi na ito pinapayagan ng World Anti-Doping Agency (WADA).
“Would be hard to believe that no one in her camp, the 25 or 30 people that work for her, or Maria herself had no idea that this happened,” pahayag ni McEnroe sa panayam ng Tennis Channel nitong Linggo.
Ipinahayag ni McEnroe na noong 1990 Australian Open, napatalsik siya sa laro nang malabag niya ang isang ruling sa default mula sa apat na step sa tatlong step na lamang.
“Nobody told me, so it is possible that Maria did not know that, though it’s extremely doubtful,” aniya.
Inamin ni Sharapova, 28, na gumagamit siya ng ‘meldonium’ halos 10 taon na para magamt ang kanyang irregular heart beat at sintomas ng diabetes.
Nahaharap siya sa suspensiyon ng International Tennis Federation (ITF), gayundin sa paglahok sa Rio Olympics matapos magpositibo sa isinagawang dug test sa Australian Open.
“Lift the ban, there’s no suspension if when she comes back she promises not to grunt,” pabirong pahayag ni McEnroe. “If you don’t grunt Maria, no suspension. If you continue to grunt, two years.”