ANG pagdukot sa tatlong dayuhan mula sa isang holiday resort sa Davao, na mabilis na tinagurian ng tagapagsalita ng Malacañang na “a very isolated case” at hindi dapat pangambahan, ay isa na ngayong malaking problema ng bansa.
Anim na buwan makaraang ang tatlong dayuhan—dalawang Canadian at isang Norwegian—ay dinukot kasama ng isang Pilipina mula sa isang beach resort sa Island Garden City of Samal sa Davao Gulf, nagbabala ang Abu Sayyaf na bumihag sa kanila na kung hindi matatanggap ng grupo ang P1-bilyon ransom para sa bawat dayuhan sa loob ng isang buwan ay papatayin nila ang mga ito.
Matatandaang ang mga biktima—ang mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall, at ang Norwegian na si Khartan Sekkingstad, at ang Pinay na si Marites Flor—ay dinukot mula sa nabanggit na beach resort noong Setyembre 2015 at dinala sa baluwarte ng Abu Sayyaf sa isla ng Jolo. Makalipas ang isang buwan, kumalat sa mga social networking site ang isang video na nagpapakita sa mga biktima ng pagdukot habang napalilibutan ng mga bumihag sa kanila na nangakasuot ng maskara. Sa sumunod na ulat noong Enero, inihayag ng tropa ng gobyerno na tinutugis nito ang Abu Sayyaf sa kagubatan ng Jolo.
Wala nang nabalitaan hanggang nitong Marso 8 nang maglabas ang Abu Sayyaf ng bagong video, at sa pagkakataong ito ay pinalugitan ng grupo ng isang buwan ang mga pamilya ng mga bihag upang mabayaran ang ransom. Malinaw na hindi nakatulong ang rescue operations ng gobyerno at wala ring negosasyon sa ransom na naisagawa, alinsunod sa opisyal na polisiya ng gobyerno. “Kung sa palagay ninyo ay mas mahalaga pa ang polisiya n’yong ‘yan kaysa buhay ng mga bihag na ito, tiyak na may gagawin kaming terible laban sa kanila,” sinabi ng nakamaskarang lalaki sa video. Inihayag ng militar na isinumite na nila sa mga forensic expert ang footage ng nasabing video upang matukoy kung tunay ito.
Umasa tayong para sa kapakanan ng mga biktima at maging ng ating bansa ay may magawang positibo sa darating na buwan. Sa video, umapela ng saklolo kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang isa sa dalawang Canadian kaugnay ng pagbabayad ng ransom.
Pangunahin nating pinangangambahan dito ang magiging epekto sa pambansang seguridad at sa ating reputasyon sa komunidad ng mga bansa sakaling tuluyang mapaslang ang mga bihag. Dahil sa mga gawain ng mga miyembro ng Islamic State sa Syria at Iraq—ang grupong ginagaya ng Abu Sayyaf ang operasyon—ay napatuon ang paningin ng buong mundo sa dalawang nabanggit na bansa. Kung mapapatay ang mga bihag sa Jolo, tiyak na mapapabilang na tayo sa mga tinututukan ng daigdig.