Matapos pangunahan ang koponan ng Alaska sa dalawang dikit na panalo noong nakaraang linggo (Marso 7-13), nakamit ni Calvin Abueva ang kanyang ikalawang Accel-PBA Press Corps Player of the Week citation sa ginaganap na Oppo-PBA Commissioner’s Cup.

Muling nagpakita ng kanyang natatanging husay sa depensa ang undersized Alaska wingman at napigil nito si Barangay Ginebra import Othyus Jeffers para tulungan ang Aces na maitala ang 86-80 panalo.

Ipinakita rin ni Abueva ang kanyang all-around effort makaraang tumapos na may 17 puntos, 9 rebound at 4 assist para pangunahan ang Alaska sa pagputol sa naitala ng Ginebra na 3-game winning streak.

Tatlong araw pagkatapos ng laban sa Kings, nagpakita naman ng kanyang tinatawag na “beast mode” si Abueva nang kanilang ungusan ang Globalport, 103-101 sa Cuneta Astrodome.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tumapos ang dating PBA Rookie of the Year na may bagong career-high na 29 puntos bukod pa sa 14 rebounds, 4 assist, 3 steal at 2 block na nagluklok sa Aces sa solong liderato matapos makamit ang ikalimang sunod na panalo kontra isang talo.

Ayon kay Alaska coach Alex Compton ay malaki na ang nagging maturity ni Abueva magmula nang lumahok ito sa liga noong 2012 bilang second overall PBA Rookie Draft.

“I feel like he’s (Abueva) maturing. And his energy I don’t think has changed one bit because he still has that boundless energy and enthusiasm that helps him make plays,” sambit ni Compton.

Tinalo ni Abueva para sa lingguhang citation na ibinibigay ng mga miyembro ng PBA Press Corps sina Rain or Shine big man JR Quinahan, Star veteran guard Peter June Simon at Tropang TNT backup guard Jai Reyes. (Marivic Awitan)