Monfort Barroca

Naisalba ng Talk ‘N Text Tropang Texters ang matikas na pakikihamok ng NLEX Road Warriors sa krusyal na sandali para sa 85-80 desisyon kahapon na nagbigay ng bagong kulay sa kampanya ng defending champion sa OPPO-PBA Commissioners Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.

Matibay na depensa ang inilatag ng Texters, matapos ma-fouled out ang import na si David Simon sa huling isang minuto ng laro para maprotektahan ang apat na puntos na bentahe tungo sa ikatlong panalo sa pitong laro.

“We played tough defense down the stretch and that save the team,” pahayag ni TNT coach Jong Uichico.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hawak ng TNT ang 84-80 bentahe mula sa three-point play ni Simon nang makuha ng import ang ikaanim na foul mula kay NLEX counterpart Al Thornton, may 56 na segundo sa laro.

Sumablay ang dalawang free throw ni Matt Granuelas para manatiling bukas ang pagkakataon sa Road Warriors na maipuwersa ang overtime, ngunit hindi bumigay ang Texters na binakuran ang pagtatangka ng karibal na makapuntos sa krusyal na sandali tungo sa panalo.

Bunsod nito, nabigyan nang bagong buhay ang kampanya ng Texters na makausad pa nang bahagya mula sa kinalalagyang posisyon at panatilihin ang posibilidad na maidepensa ang korona.

Nabigo naman ang Road Warriors na sundan ang malaking panalo kontra sa nangunguna Meralco Bolts, 104-93, nitong Biyernes. Bagsak ang NLEX sa 3-4 karta.