SAN ANTONIO (AP)— Tulad ng Golden State Warriors, may hinahabol ding kasaysayan ang Spurs.
Sa pangunguna ni Kawhi Leonard na kumubra ng 26 na puntos, ginapi ng Antonio Spurs ang Oklahoma City Thunder, 93-85, Sabado ng gabi (Linggo sa Manila), para mahila ang home-game winning streak sa 41.
Ang naturang streak ang ikatlong pinakamahabang record sa kasaysayan ng NBA. Nangunguna ang Warriors na may 47 sunod na panalo sa kanilang tahanan sa Oracle Center, kasunod ang Chicago Bulls (1995-96) na may 44 na sunod.
Hataw din sina LaMarcus Aldridge na may 24 na puntos at Tim Duncan na tumipa ng 11 para sa San Antonio (56-10), nananatiling nasa ikalawang puwesto sa Western Conference playoff.
Nanguna si Kevin Durant sa Thunder sa 28 puntos, habang kumubra si Russell Westbrook ng 19 na puntos.
HORNETS 125, ROCKETS 109
Sa Charlotte, N.C., pinulbos ng Hornets, sa pangunguna ni Kemba Walker na umiskor ng 26 na puntos, ang Houston Rockets para sa ikapitong sunod na panalo at patatagin ang kampanya na makasambot ng slot sa playoff.
Nag-ambag si Marvin Williams na may 25 puntos, habang humugot si Jeremy Lin ng 16 na puntos at nakadale si Al Jefferson ng 10 rebound.
Kumubra si Corey Brewer ng 21 puntos para sa Houston, habang nag-ambag si Dwight Howard ng 16 na puntos at 13 rebound. Matamlay naman ang opensa ni James Harden sa 2-of-14 shooting para sa kabuuang 12 puntos at 10 assist.
RAPTORS 112, HEAT 104 (OT)
Sa Toronto, napantayan ni DeMar DeRozan ang season high niyang 38 puntos at 10 rebound para pagbidahan ang Raptors kontra Miami Heat sa overtime.
Nag-ambag si Jonas Valanciunas ng 20 puntos at 10 rebound, habang tumipa si Kyle Lowry ng 16 na puntos para sa Raptors.
Nabalewala ang nakubrang 28 puntos ni Joe Johnson, gayundin ang 20 puntos ni Luol Deng.
HAWKS 95, GRIZZLIES 83
Sa Atlanta, hataw si Paul Millsap sa nahugot na 21 puntos, habang tumipa sina Al Horford ng 19 na puntos at Jeff Teague na may 18 puntos sa panalo ng Atlanta kontra Memphis Grizzlies.
Sumabak ang Memphis na wala ang star player na sina Mike Conley bunsod ng ‘Achilles tendinitis’ sa kaliwang paa at namamaga ang kanang tuhod ni Zach Randolf.