FORT DEL PILAR, BAGUIO — Pinaalalahanan ni Pangulong Aquino ang mga sundalo na bawal silang makialam sa pangangampanya ng mga pulitiko, at sa halip ay tutukan ang sinumpaang misyon sa pagbibigay ng proteksiyon sa mamamayan.

Sa kanyang pagdalo sa graduation ceremony ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City kahapon, inabisuhan ng Pangulo ang mga miyembro ng PMA Class 2016 na umiwas sa pulitika ngayong panahon ng eleksiyon.

“Tandaan lang po natin, tanging Sandatahang Lakas lang ang may puwersa, na kung makikihalo, lalo na sa pulitika, ay may tinatawag pong ‘monopoly of power.’ ‘Tila hindi ho parehas ang usapan, kaya importanteng nasa isip natin parating neutral tayo, lalo na pagdating sa pamumulitika,” pahayag ni Aquino sa graduation ceremony ng 63 miyembro ng PMA Gabay-Laya Class of 2016.

Binigyang halaga rin ni PNoy ang papel ng militar sa pagsusulong sa mga reporma sa gobyerno dahil, aniya, hindi uunlad ang bansa kung patuloy ang karahasan.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

“Hanggang nariyan ang buong Sandatahang Lakas, matapat na ginagampanan ang inyong mandato, hanggang iisa lang ang panig n’yo at iyon ay sa taumbayan, hanggang hindi kayo nakikihalo sa pulitika, maaasahan nating magtutuluy-tuloy ang positibong pagbabago,” aniya. 

Sinabi rin ng Pangulo na dapat paghandaan ng mga PMA graduate ang kanilang propesyon sa pag-iwas sa temptasyon na may kinalaman sa katiwalian, at laging itaguyod ang kapakanan ng bansa.

Kung may pag-aalinlangan, pinayuhan ni PNoy ang mga opisyal ng militar na humingi ng payo sa kani-kanilang superior sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) upang matiyak na hindi sila nahihiwalay ng landas. - Genalyn D. Kabiling