SA gitna ng ating pagkaabala sa mga suliranin sa ating bansa, partikular ang patuloy na pamamayagpag ng kahirapan, kawalan ng trabaho, mababang sahod, at mataas na presyo ng mga bilihin, hindi natin dapat na balewalain ang mga nangyayari sa bahagi nating ito sa mundo na maaaring biglaang makaapekto sa ating bansa.
Sa unang bahagi ng buwang ito ay pinaigting ng Pilipinas at Japan ang ugnayan nito sa seguridad at pulitika sa paglagda sa isang kasunduan na nagpapahintulot sa Tokyo para mag-supply ng kagamitang pang-militar sa Maynila. Ito ang una sa ganitong uri ng kasunduan na nilagdaan ng Japan para sa isang bansa simula nang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil tanging Self-Defense Force lang ang pinahihintulutan ng Japan at walang anumang kasunduang pang-militar sa ibang bansa.
Kumikilos na rin ang United States upang magtayo ng mga pasilidad para imbakan ng mga gamit at mga supply sa ilang base-militar sa Pilipinas, sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), matapos igiit ng Korte Suprema ang legalidad ng EDCA bilang isang kasunduang ehekutibo alinsunod sa Philippine-US Mutual Defense Treaty. Nitong nakalipas na linggo, inihayag ng Amerika ang plano nitong mag-istasyon ng mga long-range bomber sa Australia upang magkaloob ng “credible global strike and deterrence capabililty to help maintain peace and security in the Indo-Asia-Pacific region.”
Marahil, ang mga hakbanging gaya nito ay may kaugnayan sa umiiral na maritime dispute sa China, na inaangkin ang halos buong South China Sea at nagtayo ng mga runway at ng pinaniniwalaang mga missile system sa mga bahura at sa maliliit na isla na itinayo nito sa karagatan. Subalit maaari rin naman na may kaugnayan ito sa mga ginagawa at mga deklarasyon ng North Korea.
Noong nakaraang buwan, nagpakawala ang North Korea ng isang long-range test missile na lumipad sa ibabaw ng Okinawa prefecture sa Japan at bumagsak sa dagat malapit sa Batanes sa Pilipinas. Pinakamalakas ang protesta ng Amerika, na nangangambang ang pangunahing layunin ng North Korea ay ang lumikha ng missile na makaaabot sa US West Coast, ngunit dahil bumagsak ang test missile malapit sa dulo ng Luzon, walang dudang nakalantad sa panganib ang bansa sakaling magkaroon ng missile war.
Matapos na magpalabas ng sanctions ang United Nations Security Council, kabilang ang pag-freeze sa assets ng North Korea sa paglabag sa pagbabawal ng alinmang ballistic missile technology test, pinigil ng Pilipinas ang isang barko ng North Korea sa Subic, bilang unang kasapi ng UN na nagsagawa ng nasabing hakbangin. Nananatili pa rin sa bansa ang nasabing barko hanggang ngayon at walang nakababatid kung ano ang pinaplano ngayon ng North Korea tungkol dito.
Umasa tayong ang mga kumprontasyon, pagbabanta, at agresibong pagkilos na ito ay mananatiling sibilisado at hindi magbubunsod ng paglalaban. Sa ating bansa, dapat na mulat tayo sa mga panganib na maaaring sumiklab anumang panahon at gawin ang lahat ng ating makakaya, kahit pa limitado ang ating kakayahan, upang tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan sa bahagi nating ito sa mundo.