Ni LEONARD D. POSTRADO
Totoo nga kayang pinaboran ng Korte Suprema ang karapatan ng mga foundling o napulot na sanggol nang payagan nitong kumandidato sa pagkapangulo si Senator Grace Poe?
Iginiit ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi nakakuha ng majority ruling ang Supreme Court sa opinyon na maituturing na natural-born citizen ang mga foundling na tulad ni Poe.
Sa kanyang 55-pahinang dissenting opinion, binigyang-diin ni Carpio na ang resulta ng botohan sa citizenship issue ni Poe ay 7-5-3 at hindi 9-6 tulad ng unang naiulat.
Sa siyam na SC magistrate na iniulat na pumayag sa pagtakbo ni Poe sa May 9 presidential race, iginiit ni Carpio na sinuportahan nina Associate Justices Diosdado Peralta at Benjamin Caguioa ang dissenting opinion ni Associate Justice Mariano del Castillo na hindi dapat desisyunan ng SC ang citizenship issue sa kaso ni Poe.
Iginiit nila na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Commission on Elections (Comelec) dahil hindi gumawa si Poe ng deliberate misrepresentation sa kanyang 10-year residency status, subalit hindi obligado ang SC na alamin ang kuwalipikasyon ni Poe sa citizenship requirement sa ilalim ng Konstitusyon.
Ang pitong mahistrado sa mayorya, na naglabas ng opinyon na ang mga foundling tulad ni Poe ay natural-born citizen, ay kinabibilangan ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at nina Associate Justice Presbitero Velasco Jr., Lucas Bersamin, Jose Perez, Jose Mendoza, Marvic Leonen at Francis Jardeleza.
Pumanig sina Bersamin at Mendoza sa desisyon ng mayorya subalit bigong ihayag ng mga ito kung sila ay kumbinsido na kuwalipikado si Poe na kumandidato base sa isyu ng citizenship at residency.
“What is clear and undeniable is that there is no majority of this Court that holds that petitioner Mary Grace Natividad Poe Llamanzares is a natural-born Filipino citizen,” giit ni Carpio.