DONNA copy

SIKAT na sikat pa rin si Donna Cruz. At gandang-ganda pa rin sa kanyang disposisyon, look at boses ang mga tagahanga niya.

Umaani ng mga papuri ang kanyang pagbabalik sa recording industry sa pamamagitan ng kanyang comeback album na Now and Forever under Star Music.

Maging si Vice Ganda ay hindi naitago ang paghanga sa iniidolo niyang singer na sumikat noong dekada 90. Ka-level ni Donna si Sarah Geronimo, ayon kay Vice. Dream pala niya noon pa na maka-duet si Donna at natupad ito nang maging guest ang still youthful looking singer sa Sunday night show ng sikat na comedian/host.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Masasabi na sa magpipinsang Cruz -- Sheryl, Geneva , Sunshine at Donna -- ay pinakamapalad at maligaya ang buhay ng huli dahil buo ang kanyang pamilya.

Sarili niyang kagustuhan ang pagtalikod sa showbiz labimpitong taon na ang nakararaan at ipaglaban ang kanyang pag-ibig kay Dr. Yong Larrazabal ng Cebu. Twenty one years nang lumagay siya sa tahimik, isang desisyon na hindi niya pinagsisihan. Ni pag-awit ay hindi niya binalikan.

“Gusto ko talagang magkapamilya at tutukan nang husto ang aming mga anak sa kanilang paglaki. We are blessed with three children. Ngayong malalaki na sila ay sila mismo ang nag-influence sa akin na mag-recording muli,“ pahayag ni Donna.

Hindi itinago ni Donna ang kanyang paghanga kay Piolo Pascual na sana raw ay maka-duet niya. Well, request granted at punung-puno ng emosyon nilang inawit ang Ikaw Ay Mahal Pa Rin at laman ngayon ng album niya.

Ayon kay Vice Ganda, hitik sa hugot ang mga awitin ni Donna na ang ilan ay muling binuhay sa kanyang comeback album, kabilang na rito ang kanyang signature song na Kapag Tumibok Ang Puso, I Can (with Regine Velasquez at Mikee Cojuangco), Ikaw Lang ang Mamahalin, Nag-iisang Ikaw at ang klasikong Habang May Buhay.

Sa matagumpay na pagbabalik recording ni Donna, ang sunod na hakbang na aming aabangan ay ang pagkakaroon niya ng concert sa puwede namang simulan sa isang intimate venue tulad ng Music Museum.

Busy na sa promo ng kanyang bagong album ang Original Multimedia Star at kitang-kita namang enjoy siya dahil aniya, “perfect timing” ito.

“Star Music showed interest when I was really ready na. Kung may na-miss talaga ako ever since I got married, ito ‘yung singing and ‘yung feeling na gusto ng mga nakakarinig ‘yung songs at pagkanta ko. Talagang it’s one of my greatest joys in life. First love ko ang singing kaya babalik-balikan at hahanap-hanapin ko rin talaga,” pahayag ni Donna.

Bukod sa mga nabanggit na, laman din ng album niya ang dalawang orihinal na kanta – ang A Love to Last at Langit Ang Pag-ibig – na likha ng hitmaker na si Vehnee Saturno, ang composer din ng ilang biggest hits ni Donna noong 90s.

“Tito Vehnee had a huge part in, and should take a lot of credit for the success of my previous albums and songs kaya you can expect to hear Donna Cruz kind of songs. Ang way of singing or style maririnig n’yo pa rin kapag pinakinggan n’yo ang mga kanta, pero mas may feelings at emotions na ngayon kasi na-experience ko na at alam ko na ang feeling na minamahal at nagmamahal,” aniya.

“I-expect ng mga makikinig sa album na ito na mas ma-in love pa sa taong mahal nila kasi nakaka-in love ang lyrics.

The songs I chose are all about love, how it feels to be loved and to love someone so much,” dagdag pa niya.

“Noong nire-record ko ang bawat kanta, I was really into it na parang nasa harap ko lang ‘yung kinakantahan ko at dini-dedicate ko sa asawa ko, sa mga anak ko, sa parents ko, sa mga kaibigan ko. Positive lang talaga, hindi mabigat sa pakiramdam,” pagbabahagi ni Donna.

Ang Now and Forever ay napapakinggan na sa Spotify at available na sa record bars nationwide sa halagang P250 lang.

Maaari na ring ma-download ang digital tracks sa pamamagitan ng online music stores katulad ng ABS-CBN Store, iTunes, Mymusicstore.com.ph, Amazon.com, OneMusic.ph, at Starmusic.ph. (REMY UMEREZ)