NAGKAROON tuloy ng malaking problema ang Commission on Elections (Comelec) sa pag-aakala na maluwalhati nitong maidaraos ang paparating na halalan. Paano kasi, sa petisyon ni Richard Gordon, inatasan sila ng Korte Suprema na isyuhan ng resibo ang mga botante pagkatapos bumoto. Nauna rito, napagpasyahan nito na hindi ito mag-iisyu ng resibo dahil baka umano magamit sa vote-buying. Totoo naman, madaling maningil sa isang kandidato na bumibili ng boto dahil may ebidensiya.

Upang maiwasan ang ganitong sitwasyon, ipinaiiwan ng Korte Suprema sa mga botante ang kanilang resibo sa hiwalay na lalagyan sa loob ng presinto.Hindi umano handa ang Comelec na sumunod sa iniaatas ng Korte Suprema dahil napakalimitado na ng panahon para gawin ang mga kakailanganin para rito.

Makasunod man daw ang Comelec, ang proseso ng paghahalal ay kukunsumo ng oras. Ang kintatakutan ng Comelec ay baka sa haba ng proseso, humaba ang linya ng mga boboto. Ang ayaw magtiyagang pumila ay manghihinawa nang bumoto.

Marami umano ang hindi na makaboboto.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Iminumungkahi ng Comelec na ipagliban muna ang halalan o gawing dalawang araw ang botohan. Normal na tutulan ng mga kandidato ang pagpapaliban. Napakagastos na ngang mangampanya, hahabaan mo pa ito.

Hindi katanggap-tanggap ito sa mga kandidatong maigsi ang pisi. Mahigpit din itong tinututulan ng mga kandidatong bumabandera na sa survey, tulad ni VP Binay, dahil ibinuhos na nila ang kanilang makakaya.

Ang kongreso lang, sa pamamagitan ng batas, ang puwedeng magpaliban ng halalan. Pero, mahirap nang mangyari ito dahil karamihan sa mga senador at kongresista ay mga kandidato at nangampanya na. Marami na silang naubos na salapi.

Kapag ipinagpaliban pa nila ang halalan ay panibagong gastos na naman. Hindi natin sila maaasahan na kukuha sila ng bato at ipupukpok sa kanilang sariling ulo maliban na lamang kung pinahaba ng PDAF ang kanilang pisi.

Pero, magsasampa umano ang Comelec ng Motion for Reconsideration upang ipabago sa Korte Suprema ang desisyon. Ang remedyo upang matuloy na ang halalan sa nakatakdang panahon ay bawiin na ng Korte Suprema ang nasabing desisyon.

Nagawa naman na ito sa mga nauna nang kaso at wala namang batas na nagdidikta sa Comelec na mag-isyu ng resibo.

(RIC VALMONTE)