HINDI matatawaran ang marami at napakalaking pagbabagong idinulot sa mundo ng ilang taon nang kaguluhan sa Syria. Isa-isahin natin kung paanong dahil sa limang pangunahing pagbabagong ito ay hindi na natin mababakas ang dating daigdig na ating ginagalawan.

Ang pagsilang at paghahasik ng lagim ng Islamic State: Sa panahong abala ang mundo sa pagsubaybay sa unti-unting paglubha ng kaguluhan sa Syria, isang hindi kilala at labis na bayolenteng sangay ng Al-Qaeda ang isinilang at kalaunan ay naging mala-halimaw na grupo ng mga terorista na mistulang bangungot na ngayon ng planeta.

Taong 2014 nang kinubkob nito ang malalaking bahagi ng Syria at Iraq, at nangulimbat ng maraming armas, kayamanan at tauhan habang pinalalakas ang impluwensiya at kapangyarihan nito. Pinaslang ng grupo ang mga minorya, sinimulan ang sex slavery, tinalo ang mga sandatahan ng ilang bansa, isinapubliko ang marahas na pagpatay sa mga kalaban, at naglunsad ng madudugong pag-atake sa iba’t ibang bansa.

Ang pagbabalik-kapangyarihan ng Russia: “There is one man on this planet who can end the civil war in Syria by making a phone call, and that’s Mr. Putin,” sinabi kamakailan ni British Foreign Secretary Philip Hammond.

Nagkaroon si Russian President Vladimir Putin ng panibagong impluwensiya sa Gitnang Silangan matapos ang ilang taong pagsubaybay sa mga pagkilos ng Amerika sa rehiyon. Noong Setyembre, matapos magkaloob ng mga armas, tagapayo, at ayudang pang-ekonomiya kay Syrian President Bashar Assad, pinasalakay ni Putin ang kanyang puwersang panghimpapawid upang durugin ang mga kaaway ng gobyernong Syrian.

Destabilisasyon ng Europe: Nang buksan ng Europe ang mga hangganan ng rehiyon, hindi nito inaasahan ang mahigit milyong migrante—karamihan ay refugees mula sa Syria—sa loob lang ng isang taon, noong 2015. Libu-libo ang tinangkang tumawid sa dagat, ngunit kasunod ng pag-atake ng IS sa Paris noong Nobyembre, unti-unti na ngayong nagtatayo ng barikada ang mga European sa rutang Balkan mula sa Greece hanggang sa Germany, matapos tanggapin ang daan-daang libo.

Napasama ang mga kalapit-bansa: Hindi napagtutuunan ng pansin ang krisis sa mga migrante sa Europe dahil sa pagbaha ng refugees sa mga bansang kalapit ng Syria. Sa Turkey, Lebanon, at Jordan pa lamang ay nasa 4.4 milyon na ang tinanggap mula sa Syria. Dahil sa patuloy na kaguluhan sa Syria, nabitag ang militia sa rehiyon at nagkaroon ng destabilisasyon sa mga bansang kumupkop sa refugees, bukod pa sa muling nabuhay ang etnikong tensiyon sa Turkey.

Ang pamamayagpag ng Iran: Nakaroon ng panibagong pagbabalanse sa mga kapangyarihan sa Gitnang Silangan dahil sa kaguluhan sa Syria. Ang impluwensiya ng Shiite na Iran ay lumawak na ngayon sa Beirut hanggang sa Tehran, bukod pa sa mga nakapag-iisang gobyerno sa Baghdad at Damascus.

Sa Lebanon, ang Iran ay kinakatawan ng Hezbollah, na nagpadala ng libu-libong mandirigma bilang suporta kay Assad sa Syria, habang sinisikap naman ng Saudi Arabia, ang sentro ng kapangyarihang Sunni sa rehiyon, na mapanatili ang impluwensiya nito sa mga rebelde sa Syria kasabay ng pakikipaglaban sa mga rebeldeng Shiite, na suportado ng Iran, sa Yemen. - Associated Press