Sorpresang bumisita sa Tacloban City, Leyte nitong Sabado ang kilalang climate change activist na si dating US Vice President Al Gore, upang kumustahin ang lagay ng siyudad na pinakamatinding sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 2013.
Nagsindi ng kandila ang Nobel Peace Prize winner sa mass grave sa Tacloban na hinihimlayan ng libu-libong nasawi sa pananalasa ng Yolanda, at ipinaskil pa ng Climate Reality Project ang litrato tungkol dito.
Magdaraos ng training seminar tungkol sa climate change ang nabanggit na US non-governmental organization sa Maynila sa Marso 14-16, at pangunahing tagapagsalita sa okasyon si Gore.
Bukod kay Gore, ilang high-profile personalities na rin ang nakabisita sa Tacloban, kabilang sina Pope Francis at French President Francois Hollande upang bigyang-diin ang epekto ng climate change, na nagbubunsod ng pagtindi ng mga kalamidad.
Nasa mahigit 7,000 ang nasawi at nawawala dahil sa storm surge na dulot ng Yolanda. - Agencé France Presse