MGA Kapanalig, nakalulungkot malaman na ang mga balita sa telebisyon, radyo, at social media ay halos tungkol na lamang sa mga pulitiko, krimen, at tsismis. At marahil ay wala kayong nabalitaan tungkol sa barikada ng halos 400 katao, karamihan ay mga residente, para kahit papaano’y pilayin ang operasyon ng mga mining company sa mga bayan sa Sta. Cruz, Zambales.

Mula pa noong Enero, hinaharangan na nila ang pangunahing kalsada para pigilan ang pagdadala ng nickel ore mula sa nasabing lugar patungong pantalan kung saan naroon ang mga barkong maghahatid ng mina patungong China. Labing-isa sa mga nasa barikada ang inaresto noong nakaraang linggo dahil nakakaabala na umano sa trapiko ang kanilang ginagawa.

Bakit ganoon na lamang ang pagtutol ng mga taga-Sta. Cruz sa pagmimina? Kung inyong matatandaan, isa ang Zambales sa mga pinakasinalanta ng bagyong ‘Lando’ noong Oktubre 2015. Tinagurian ngang “red flood” ang nangyari sa bayan ng Sta. Cruz dahil sa kulay ng baha, na may kahalong putik at sanga ng puno. Pito ang nasawi habang 13,000 pamilya ang apektado. Maraming palaisdaan at dalampasigan ang nabalot ng hanggang tuhod na lalim na putik kaya’t mahirap na rin ang paghuli ng isda. Tuyot na rin ang ilang sakahan.

Nitong nakaraang linggo rin, lumabas sa pag-aaral ng Center for Environmental Concerns, isang National Government Organization (NGO), na may kaugnayan ang malawakang pagbaha sa operasyon ng mga mining company sa lugar. Sa kasalukuyan, may apat na pangunahing nickel ore mining firm sa lugar: ang Zambales Diversified Metals Corporation, Benguetcorp Nickel Mines Incorporated, Eramen Minerals Incroporated, at LNL Archipelago Minerals Inc. Tikom ang bibig ng mga kumpanyang ito sa reklamo ng mga mamamayan ng Sta. Cruz.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Samantala, naglabas ng pahayag ang Mines and Geosciences Bureau (MGB), isa sa mga sangay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na nagsasabing walang kinalaman ang operasyon ng mga mining company sa matinding pagbaha sa lugar. Hindi naman daw nasira ang silt traps at perimeter canals ng mga kumpanya kasagsagan ng bagyo. Pero, paano kaya naging mapula ang baha? Saan kaya galing ang mga putol na puno at ang makakapal na putik?

Paano nagkakaroon ng nickel laterite ang mga bukirin, ilog, at dagat? Kusa bang lumitaw ang mga ito?

Mga Kapanalig, bilang mga nilikha ng Diyos, tayo pong lahat—hindi lamang ang mga mamamayang apektado ng pagmimina—ay mga “katiwala” ng kalikasan. Binigyan po tayo ng kalayaan at dunong para pakinabangan ang mga biyayang pinagkaloob sa atin ng Panginoon. Sumainyo ang katotohanan! (Fr. Anton Pascual)