OAKLAND, California — Matindi ang iginanti ng Warriors sa panghihiya ng TrailBlazers sa kanilang marka.

Nagtumpok ng pinagsamang 15 three pointers ang pamosong ‘Splash Brother’ na sina Stephen Curry at Klay Thompson para dominahin ng Golden State Warriors ang Portland Trailblazers tungo sa 128-112 panalo Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Nagtumpok ng 37 puntos si Thompson, habang tumipa si Curry ng 34 puntos para ibigay sa Warriors ang ika-58 panalo ngayong season at hilahin ang regular-season home game record sa 47.

Nag-ambag si Draymond Green ng 17 puntos at 13 rebounds sa Warriors na nakatikim ng isa sa pinakamapait na kabiguan sa kamay sa Blazers sa nakalipas na buwan.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Nanguna si CJ McCollum sa Portland na may 18 puntos.

GRIZZLIES 121, PELICANS 114

Sa Memphis, Tennessee, naitumpok ni Lance Stephenson ang career-high 33 puntos, habang tumipa si Matt Barnes ng triple-double – 26 puntos, 11 rebound at 10 assist, para gabayan ang Grizzlies kontra New Orleans Pelicans.

Naitala rin ni JaMychal Green ang career-high 21 puntos at 10 rebound para sa ika-limang panalo ng Memphis sa huling pitong laro. Nag-ambag si rookie point guard Briante Weber, lumagda lamang ng 10-day contract, ng 10 puntos at pitong assist.

Nanguna si Jrue Holiday sa Pelicans sa naiskor na 34 puntos at 10 assist, habang tumipa si Anthony Davis ng 25 puntos at 13 rebound at kumubra ng tig-17 puntos sina Ryan Anderson at Dante Cunningham sa New Orleans, nabigo sa ika-anim na pagkakaton sa huling pitong laro.

WOLVES 99, THUNDER 96

Sa Oklahoma City, naisalpak ni Ricky Rubio ang 3-pointer may 0.2 segundo sa laro para malusutan ng Minnesota Timberwolves ang Thunder.

Tumapos si Rubio na may 13 puntos at 12 assist para sa ika-walong double-double performance ngayong season.

Nag-ambag sina Gorgui Dieng ng 25 puntos at siyam na rebound, habang tumipa si Andrew Wiggins ng 20 puntos, limang steal at apat na assist para putulin ang 10-game losing skid ng Minnesota.

Nanguna sa Thunder si Kevin Durant na may 28 puntos, anim na rebound, habang humugot si Russell Westbrook ng 26 puntos at walong assist.