Sinabi kahapon ng Malacañang na dapat na resolbahin agad ng Commission on Elections (Comelec) ang usapin sa harap ng pangambang maipagpaliban ang eleksiyon dahil sa desisyon ng Supreme Court (SC) na nag-uutos sa komisyon na mag-isyu ng voter’s receipt.

Ayon kay Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) Undersecretary Manuel Quezon III, dapat na agad maresolba ng Comelec ang usapin dahil may 60 araw na lang ang natitira bago ang araw ng eleksiyon.

“Kailangan conscious tayong lahat na 60 days to go na lang. I believe whatever branch of government or whether ordinary citizen, I think we should all hope that the Comelec and the Supreme Court will face these issues and resolve them at the soonest possible time para wala ngang pangamba,” ani Quezon.

Sinabi ni Quezon na bagamat umaasa si Pangulong Aquino na magiging maayos at tapat ang halalan, ang Comelec pa rin ang may mandato na tiyaking hindi papalpak ang botohan sa Mayo 9.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“It’s the obligation of every President na siguraduhin na talagang malinis at may kredibilidad ang eleksiyon. But at the same time, a President can only do so much,” ani Quezon. “We can all appeal that this matter should be resolved at the soonest possible time but sa paraan na malilinawan lahat at hindi naman magdadagdag sa pangamba o pagdududa ng ating kababayan.”

Una nang inamin ng Comelec na maaapektuhan ang preparasyon ng halalan sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng pag-iimprenta ng voter’s receipt, kaya naman naghain na nitong Biyernes ang komisyon ng motion for reconsideration para bawiin ng kataas-taasang hukuman ang pasya nito. (Madel Sabater-Namit)