HINDI maikakaila na kung hindi dahil sa ating mga overseas Filipino worker (OFW) at sa kanilang mga remittance sa bansa, hindi magiging masigla ang ekonomiya ng Pilipinas gaya ngayon. Ang kanilang remittances noong 2015 ay umabot sa mahigit $29 billion, halos ikasampung bahagi ng Gross Domestic Product. Ang mga remittance ng mga Pinoy ang ikatlo sa pinakamataas sa mundo, ayon sa World Bank, at hindi pa kasama rito ang hindi naitatalang padala sa impormal na sektor.
Ngunit ang mga pangyayari sa nakalipas na mga buwan ay nagbigay-diin sa mga kakulangan ng programa ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga overseas worker, ayon kay Susan Ople, pangulo ng Blas F. Ople Policy Center, na ilang taon nang aktibo sa pakikipaglaban para sa kapakanan ng mga OFW. Ilang Pinoy ang nasa death row ngayon sa ilang bansa—kabilang sa kanila si Mary Jane Veloso sa Indonesia—at isa sa mga dahilan nito ay ang pagkakaloob lamang ng ayuda kapag nahatulan na ang Pinoy, hindi sa panahong nagkaproblema sila sa batas, kung kailan kailangang-kailangan nila ng tulong.
Ngayong bumulusok ang pandaigdigang presyo ng petrolyo sa Saudi Arabia at sa iba pang bansa sa Gulf, naipagpapaliban o tuluyan nang nakakansela ang mga programa sa imprastruktura at iba pa, at libu-libong OFW ang nawawalan ng trabaho at inaasahang magsisiuwian dito sa mga susunod na buwan.
Gayunman, puwede nating asahan na karamihan sa mga Pinoy na nakatira at nagtatrabaho sa ibang bansa—nasa limang milyong OFW ang may kontrata at limang milyong iba pa ang immigrant, bukod pa sa mga manggagawang hindi dokumentado—ang mananatili kung nasaan sila ngayon, karamihan ay sa United States at Canada, Europe, at Asia.
Patuloy nilang susuportahan ang kani-kanilang pamilya—at ang pambansang ekonomiya—sa pamamagitan ng kanilang remittances.
Panahon nang ipagkaloob ng gobyerno ang karapat-dapat para sa kanila sa pagtatatag ng hiwalay na Department of Migration and Development, ayon kay Ople. Ang kagawarang gaya nito ay maaaring tumutok sa pagpuno sa mga kakulangan sa serbisyo na dapat na natatanggap ng mga OFW mula sa gobyerno.
Maaaring magbuo ang kagawaran ng isang pangunahing road map ng mga trabaho sa ibang bansa para sa mga Pilipino upang makapagtakda ng mga polisiya sa kung sino ang pahihintulutan o hihimuking magtrabaho sa ibang bansa, anong klase ng hanapbuhay, at kung saang bansa. Makapagkakaloob ito ng mas maayos na on-site services kaysa naibibigay ngayon, gaya ng pagtatalaga ng mas maraming tauhan sa mga embahada sa ibang bansa upang matugunan ang mga problemang gaya ng pagpapalit ng kontrata, atrasadong suweldo, at iba pang suliraning legal, na may sapat na pondo. Maaari rin itong lumikha ng plano para sa magsisibalikang OFW upang matulungan sila sa pamumuhunan gamit ang naipon nila sa ibang bansa.
Sa huli, dapat na ikonsidera ng gobyerno ang pangunahing tanong kung bakit kinakailangang umalis pa ng bansa ang milyun-milyong OFW. Posibleng may matinding job mismatch, o maaaring sadyang hindi lang sapat ang trabaho rito, o puwede ring masyadong kakarampot ang suweldo rito kumpara sa ipasasahod sa kaparehong trabaho sa ibang bansa. Ito ay mas malaking suliranin na kailangang tutukan ng buong puwersa ng gobyerno at ng pribadong sektor sa bansa.