UMAASA ang opisyal na nangangasiwa sa pandaigdigang climate negotiations na aabot sa 80 hanggang 100 bansa ang lalagda sa makasaysayang kasunduan sa climate change na tinalakay sa Paris noong Disyembre.
Ang seremonya para sa pinakahihintay na kasunduan ay idaraos sa pangunahing tanggapan ng United Nations sa Abril 22.
Sinabi ni Segolene Royal, environment minister ng France at katatalagang presidente ng climate negotiations ng United Nations, na mahigit 30 pinuno ng mga estado at gobyerno ang nagkumpirmang dadalo sa seremonya ng paglagda.
Aniya, ang mga imbitasyong pirmado niya at nina United Nations Secretary-General Ban Ki-moon at French President Francois Hollande ay muling ipinadadala sa lahat ng world leaders.
“I will, of course, work very hard so that we get these 80 to 100,” sinabi ni Royal sa nangagtipong mamamahayag matapos siyang makipagpulong kay Ban. “We might have more which would be fantastic.”
Ayon kay Royal, bawat bansa ay nakalikha na ng plano upang labanan ang climate change at sa Abril 22 ay ipaliliwanag ng mga ito kung aling hakbangin na ang kanilang nasimulan.
Dapat na ratipikahan ang Paris Agreement ng kahit 55 bansa na kumakatawan sa nasa 55 porsiyento ng pandaigdigang greenhouse gas emissions upang maisakatuparan ang kasunduan.
Nagtatakda ito ng pangkalahatang layunin na panatilihin ang pag-iinit ng mundo sa mas mababa sa 2 degrees Celsius (3.6 degrees Fahrenheit) kumpara sa mga panahong hindi pa ganun kasigla ang mga industriya, at tiyakin ang mga pagsisikap upang limitahan ang pagtaas ng temperatura sa 1.5 degrees Celsius (2.7 degrees Fahrenheit).
Inoobliga ng kasunduan ang lahat ng bansa na magsumite ng sariling plano laban sa climate change at i-update ito kada limang taon, bagamat wala namang legal na basehan ang nasabing hakbangin.
Sinabi ni Royal na ang seremonya sa paglagda ay isa sa serye ng mga kaganapan na layuning panatilihin ang momentum na nalikha sa Paris matapos maikasa ang kasunduan.
Pangunahing personalidad si U.S. President Barack Obama, kasama ang presidente ng China, sa pagkalap ng suporta sa makasaysayang climate deal. (Associated Press)