Iloilo City — Pilit na kakapitan ni Stage One winner Ronald Oranza ng Philippine Navy-Standard Insurance ang naunsiyaming tagumpay sa Mindanao leg, sa pagratsada ng Stage Two criterium ng 2016 Ronda Pilipinas Visayas Leg ngayon na magsisimula at magtatapos sa Iloilo Business Park.
Humulagpos sa kamay ni Oranza ang korona kahit nagwagi sa Stage One at Two sa nakalipas na Mindanao Leg. Ngayon, pipilitin niyang huwag maulit ang mapait na kabanata.
Tangan ni Oranza ang simbolikong red jersey bilang overall leader sa pagsasagawa ngayon ng ikalawang yugto na tatahakin ang 2.68 kilometrong ruta.
“Mahirap pang magsalita ng tapos, kasi marami na kaming kalaban ngayon,” pahayag ng 22-anyos mula sa Villasis, Pangasinan.
Nakopo ni Oranza ang opening stage nitong Biyernes para sa kabuuang ika-anim na lap victory sa pinakamalaking biking marathon sa bansa.
Una nang inungusan ni Oranza ang kakampi na si Rudy Roque at Rustom Lim ng LBC-MVP Sports Foundation upang duplikahin ang kanyang ginawa na pagwawagi sa pinakaunang yugto ng karera sa Butuan City.
“Sinamantala ko na kasi sayang ang pagkakataon. Si John Paul (Morales) talaga ang pinoproteksiyunan namin pero noong nakita ko ang tyansa kinuha ko na,” sabi ni Oranza, nangunguna rin sa espesyal na kategorya na Sprint Kings.
Dahil suot ni Oranza ang red jersey bilang overall leader, mapupunta ang green jersey sa kakampi nitong si Rudy Roque. Ang yellow jersey na para sa best local homegrown rider ay isusuot ni Novendane Alejado ng Team Iloilo.
Tinutukoy ni Oranza na matinding hamon ang Team ASG (Ace Sports Gear) sa pamumuno ng baguhang 22-anyos na si Richard Nebres mula sa Mati, Davao Oriental na nagtangkang agawin ang lap kontra sa mga mas beterano na riders at magawa pang manguna sa pagtuntung sa huling tatlong ikot.
Gayunman, ginamit ni Oranza ang kanyang husay at kasanayan sa sprint upang ungusan ang anim na siklista sa lead pack at unahan si Nebres na aksidenteng sumabit sa hulihang gulong ni Lomotos na naging sanhi upang sumemplang at tapusin ang karera sa hulihan.
“Pinilit ko na kunin pero nagkasabitan kami ni Lomotos sa rematehan,” sambit ni Nebres na nagtamo ng gasgas sa kamay at paa.
Ang Stage Two ay magiging tampok na aktibidad sa gagawing selebrasyon ng Iloilo Bike Festival.
Ang Stage Three na isang road race ay dadaan sa mga lugar ng Iloilo City sa Martes habang ang huling dalawang yugto na Individual Time Trial at criterium ay isasagawa sa Huwebes.
Ang Ronda Pilipinas ay inoorganisa ng LBC Express at sanctioned ng PhilCycling kasama bilang sponsor ang Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX.