Pormal nang hiniling ng Commission on Elections (Comelec), sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na baligtarin ang desisyon nito na nag-oobliga sa poll body na paganahin ang kapasidad ng mga vote counting machine (VCM) na mag-imprenta ng voter’s receipt.

Inihain sa Supreme Court (SC) ang 13-pahinang motion for reconsideration nitong Biyernes.

Sa mosyon, hiniling din ng Comelec na payagan sila ng Korte Suprema na makapagsagawa ng demonstrasyon ng VCM sa harap ng mga mahistrado sa lalong madaling panahon.

Nanindigan din ang Comelec na sa ilalim ng paper-based election system, ang Voters Verified Paper Audit Trail (VVPAT) ay ang mismong balota na.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ito, anila, ay dahil kinakatawan na ng balota ang boto ng botante at sa pamamagitan nito ay maaaring gawin ang post-election system auditability at mabibigyang-daan din ang independent system ng pagkumpirma kung nabasa ba nang tama ng makina ang boto.

Hindi rin umano iniuutos ng Automated Elections Systems Law na kailangang personal na makumpirma ng botante kung nabilang ba ng VCM ang kanyang boto.

Naniniwala rin ang Comelec na mahalaga lang ang voter’s receipt kung ang sistemang gagamitin ay ang Direct Recording Electronic (DRE) dahil hindi ito ginagamitan ng paper ballots.

Una nang nagbabala ang Comelec na posibleng mabigo ang eleksiyon sa Mayo 9 kung ipipilit ang pag-iimprenta ng voting receipt sa panahong ito na gahol na sa panahon ang komisyon. (Beth Camia)