Pinagbibitiw sa posisyon si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje kaugnay ng pagpapatuloy ng malawakang mining operations sa Zambales, na “sumisira sa kalikasan”.
Halos 100 residente ng mga bayan ng Sta. Cruz at Candelaria sa Zambales, kasama ang mga miyembro ng anti-mining groups na kinabibilangan ng Concerned Citizens of Sta. Cruz (CCOS), ang lumusob sa central office ng DENR sa Quezon City upang igiit kay Paje na “gumawa ng kaukulang aksiyon upang mapahinto ang talamak na mining activities” sa Zambales.
Binatikos din ng grupo ang pag-aresto ng mga pulis-Candelaria sa siyam na residente na tinangkang harangin ang mga hauling truck ng Benguet Nickel and Mines, Inc. (BNMI) na nagdadala ng nickel ore sa pantalan ng Binabalian upang ibiyahe patungong China.
Pebrero 9 ngayong taon nang kinasuhan ng mining company na Zambales Diversified Metals Corp. (ZDMC) ang 12 residente, kabilang ang isang konsehal at dalawang barangay kagawad, kaugnay ng umano’y paglabag ng mga ito sa Mining Act of 1995, matapos maantala umano ng protesta ang delivery nila ng nickel.
Nauna nang hiniling ni CCOS Chairman Dr. Benito Molino kay Pangulong Aquino na kanselahin ang lahat ng permit ng mga mining firm sa Zambales, kasabay ng pagdedeklara ng moratorium ng pagmimina sa bansa. (Rommel P. Tabbad)