MANDAUE CITY, Cebu – Mahigit 500 bahay ang naabo sa isang malaking sunog kahapon ng madaling araw na nakaapekto sa tatlong matataong sitio sa Mandaue City, Cebu.
Libu-libong residente ang naalimpungatan sa pagkakahimbing pasado 1:00 ng umaga kahapon at inabot ng mahigit tatlong oras bago naapula ng mga bombero ang sunog.
Ayon kay SFO1 Cipriano Codilla, fire investigator ng Mandaue City, nagsimula ang sunog sa bahay ni Robinson Aljun sa Sitio Sta. Cruz, Barangay Guizo. Pinaniniwalaang nasagi ng isang pusang gala ang isang nasisindihang gasera sa loob ng bahay ni Aljun.
Sa mga oras na ‘yun, wala sa bahay at kumakain ng hapunan sa ibang lugar ang pamilya ni Aljun. Agad na nilamon ng apoy ang bahay ni Aljun, na gawa sa light materials.
Dahil sa malakas na hangin, mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit na bahay at agad na gumapang ang apoy maging sa mga sitio ng La Purisima at Asinan.
“Nagpa-panic ang lahat, humihiyaw at nag-iiyakan ang mga babae. Ako, wala ako sa sarili dahil mahimbing na ako nang mangyari ang sunog,” kuwento ni Benito Gako, isa sa mga nasunugan.
Gawa rin sa light materials ang mga bahay sa mga sitio ng Sta. Cruz, La Purisima, at Asinan kaya itinaas na ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Task Force Alpha ang alarma dakong 1:50 ng umaga, na iniakyat pa sa Task Force Charlie bandang 2:50 ng umaga.
Sinabi ni Senior Insp. Joel Abarcez, Mandaue City fire marshal, na walang nasaktan o nasawi sa sunog, na tumupok sa nasa P2.3 milyon halaga ng ari-arian. (MARS W. MOSQUEDA, JR.)