IPINAGDIINAN ni Aiko Melendez na hindi siya makikialam sa anumang gustong gawin ng kanyang panganay na si Andre Yllana bilang artista. One hundred percent ang suporta niya para sa 17 years old na ngayong talent ng ABS-CBN Star Magic.
“Usapan talaga namin na hindi ako makikialam. So as much as gusto kong makialam, hindi po talaga puwede. Sabi niya kasi sa akin na gusto raw niyang maging artista pero bilin pa niya na huwag akong manood sa mga taping niya,” kuwento ni Aiko.
Dagdag pa ng aktres, wala naman siyang pagkukulang sa paggabay sa anak niya at siyempre kasama na rito ang desisyon nito na sundan ang mga yapak nila ni Jomari Yllana.
“Nararamdaman ko na he wants to have a free hand on everything. Of course, with my guidance. Pero ‘yong typical na bantay-sarado, hindi ko po gagawin ‘yon,” sey pa niya.
Maayos ang samahan nila ng ama ni Andre. Kahit matagal na silang hiwalay, sinisikap niyang ipinaalam niya kay Jomari ang anumang nangyayari sa anak nila.
“I involve him as much as he can. Kasi he’s busy campaigning now. Pero kapag may time talaga, I involve him lalo na kapag mayroong family day, talagang I tell him to come,” banggit ng aktres.
Inamin ni Aiko na pinapayuhan sila ng mga taong nakapaligid sa kanila na magbalikan sila ni Jomari. Nakikita raw ng mga ito na mas maganda ang kalalabasan kung pagbibigyan nilang dalawa ni Jomari ng pangalawang pagkakataon ang kanilang pagsasama.
“Parang lahat na yata ng nakausap ko, eh, want us to be back together because it’s just so beautiful. How can you see two exes together and then parang wala lang nangyari,” seryoso pero nakangiting sambit ni Aiko.
So, posibleng magkabalikan sila?
“Well, tingnan na lang natin. As it is, sabi nga nila, eh, parang naging closer pa nga kami ngayon. Kung para talaga kami sa isa’t isa, eh, then why not, di ba?” napatawang sagot ni Aiko.
Hindi itinago ni Aiko na may umaali-aligid sa kanyang manliligaw ngayon pero wala naman daw siyang balak na buksang muli ang puso niya. Ang huling nakarelasyon ni Aiko ay isang foreigner na may construction business sa Cebu.
Samantala, nagpapasalamat si Aiko sa Kapamilya Network dahil hindi siya nawawalan ng proyekto. (Jimi Escala)