Ang pagsutsot, pagsipol, pagbating may malisya, at ilan pang paraan ng sexual harassment ay naranasan na ng karamihan sa mga Pinay sa mga pampublikong lugar, ayon sa isang bagong survey na kinomisyon ng United Nations kamakailan.
Natuklasan sa pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Biyernes na tatlo sa bawat limang babae, o 60 porsiyento ng mga Pinay, ay nabiktima na ng pambabastos sa mga pampublikong lugar kahit minsan sa kanilang buhay. Nasa 88 porsiyento sa kanila ay nasa edad 18-24.
Ang survey, na isinagawa noong Pebrero 13-18, 2016, ay kinomisyon ng UN Women, sa pakikipagtulungan ng Quezon City government bilang bahagi ng Safe Cities Metro Manila Programme nito, na nagbibigay-diin sa pambabastos at karahasang seksuwal laban sa kababaihan sa mga pampublikong lugar.
Isa sa pitong babae ang nababastos isang beses sa isang linggo sa nakalipas na taon, ayon sa survey. Natuklasan din na mahigit 34% ng kababaihan ay dumanas ng mas matindi pa, gaya ng pinagpakitaan ng ari ng lalaki, nag-masturbate sa harap nila, at hinipuan.
Limampu’t walong porsiyento ang nagsabing nabastos sila sa mga pangunahing kalsada at sa mga eskinita, at karamihan sa mga pisikal na pambabastos ay nangyari sa mga pampublikong transportasyon, na may 15%. Pitumpung porsiyento ng kababaihan ang nagsabing estranghero ang nambastos sa kanila.
Nakagugulat din na 70% kababaihan ang nagsabing nabastos sila mula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.
Ang survey ay isinagawa sa mga barangay ng Payatas at Bagong Silangan sa Quezon City sa 800 respondents, 400 ang babae at 400 ay lalaki.
Sa nasabi ring survey, tatlo sa limang lalaki ang umaming nambastos kahit minsan sa kanilang buhay, kabilang ang pagsipol, pagsutsot at pagsasabi ng mga bastos na salita sa mga babae—anuman ang kanilang pinag-aralan o katayuan sa buhay.
Gayunman, natukoy din sa pag-aaral na mas maraming babae ang naniniwalang kasalanan ng kapwa nila kung bakit ito nababastos (27%), habang mas maraming kalalakihan (64%) ang nagsabing hindi dapat isisi sa kababaihan ang pambabastos. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)