Pinayagan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang peace consultant ng National Democratic Front (NDF) na si Wilma Austria-Tiamzon na pansamantalang malakabas ng piitan upang sumailalim sa medical examination sa isang ospital dahil sa posibleng sintomas ng vertebral artery syndrome.

Pinayagan ni Judge Alfonzo Ruiz II, ng Quezon RTC Branch 216, si Tiamzon na makalabas ng kanyang piitan sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame upang sumailalim sa check-up sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City sa Marso 16.

Inatasan din ni Ruiz si Dr. Fernando Melendres, doktor ni Tiamzon, na magsumite ng resulta ng medical test sa loob ng 30 araw matapos masuri ang pasyente.

Sa mosyon na inihain ng kanyang abogado na si Rachel Pastores, humingi ng permiso si Tiamzon sa korte upang magpasuri sa NKTI base sa rekomendasyon ni Melendres.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Noong Enero 29, sinuri ni Melendres ang akusado sa PNP Custodial Center at inirekomenda na isalang sa serye ng diagnostic test si Tiamzon.

Sinabi ng kampo ni Tiamzon sa korte na hindi sapat ang pasilidad sa PNP General Hospital upang suriin ang estado ng kanyang kalusugan.

Unang na-diagnose si Tiamzon na may simtomas ng “vertebral artery syndrome,” isang kondisyon na nagkakaroon ng pagsisikip sa vertebral or basilar arteries.

Si Tiamzon at asawa nitong si Benito ay naaresto ng awtoridad sa Cebu noong Marso 2014 dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagdukot ng apat na sundalo at isang ahente ng Narcotics Command sa Candelaria, Quezon, noong 1988. (Chito A. Chavez)