SA ngalan ng patas na pamamahayag, inilalathala natin ang ipinadalang liham ng ating kaibigang si Marissu G. Bugante, Vice President for Public Affairs and Special Events Division ng SSS, bilang reaksiyon sa ating column nitong Enero 19, kaugnay sa SSS pension hike:
“Isa sa mga maling datos na ikinalat kamakailan ay ang umano’y P325 bilyon na ‘uncollected revenue’ ng SSS na maaaring gamiting pondo upang maipatupad ang dagdag na pensiyon na P2,000. Ngunit ang halagang ito ay tumutukoy sa kabuuang SSS employer delinquency na base pa sa isang lumang liham ng SSS mula kay dating SSS President at Chief Executive Officer Romulo Neri para sa dating Kongresista na si Lorenzo Tañada III noong 2008, habang pinag-uusapan pa lamang sa Kongreso ang pagpasa ng Social Security Coordination Act of 2009 (Annex A).
“Base sa 2013 na report ng Commission on Audit (CoA), ang employer delinquency ng SSS ay lumiit na sa P13.5 bilyon, kasama na rito ang principal at penalty na hindi binayaran ng mga kumpanya sa tamang oras. Samakatuwid, naibaba na ang halaga ng uncollected revenue ng SSS.
“Ibig sabihin din nito ay hindi sapat ang uncollected revenue na P13.5 bilyon para tustusan ang P56 bilyon na karagdagang pondo para sa unang taon pa lamang ng implementasyon ng P2,000 pension increase.
“Ginagamit ng SSS bilang basehan ng Total Compensation Framewok sa ilalim ng Joint Resolution No.4, alinsunod sa GOCC Governance Act of 2011, para sa pagpapasuweldo ng opisyal at empleyado nito. Ang batas na ito ay sumasaklaw sa lahat ng government owned and controlled corporations (GOCC) tulad ng SSS. Samantala, ang pagbibigay ng insentibo at bonus para sa mga opisyal at empleyado ng SSS ay dumaraan sa pagsusuri at pag-apruba ng Governance Commission for GOCCs (GCG).
“Ukol naman sa alegasyon tungkol sa ‘idle assets’ ng SSS, kumita po ang SSS ng P620 milyon mula Enero hanggang Nobyembre 2015 mula sa pagpaparenta at pagbenta ng mga real estate properties na hawak ng SSS. Patuloy ang pagsasagawa ng bidding para sa pagpaparenta o pagbenta ng mga ari-arian ng SSS.
“Layunin din ng SSS na maitaas ang halaga ng pensiyon at iba pang mga benepisyo nito. Ngunit kaakibat nito ang obligasyon ng SSS na siguraduhing hindi mapapahamak ang pangmatagalang buhay ng pondo ng mga miyembro nito. Ito ay para sa kapakanan hindi lamang ng mga miyembrong kasalukuyang naghuhulog sa SSS, kundi pati na rin sa mga pensiyonado ngayon na maaaring wala nang maaasahang pensiyon pagkatapos ng 11 na taon kung ipatutupad ang P2,000 na dagdag-pensiyon.
“Ang pag-veto ng panukalang P2,000 dagdag-pensiyon ay hindi dapat ituring na insulto sa mga mambabatas. Hindi isinaad sa panukalang batas ang pagkukunan ng ilang bilyong pondo para sa karagdagang P2,000 pensiyon na maaaring magmula sa pagtaas ng kontribusyon sa SSS o pagbibigay ng gobyerno ng sabsidiya para rito.” (CELO LAGMAY)