Ipinahayag ng Philippine Olympic Committee (POC) na iaapela na maibalik sa calendar of sports ang mahigit 70 event na inalis ng Malaysian SEA Games Organizing Committee para sa 2017 SEAG edition.

Ayon kay POC chairman Tom Carrasco, inatasan na nila ang lahat ng national sports association na magsumite ng kani-kanilang mungkahi kung anong sports ang nais nilang mapabilang sa SEAG upang ipresinta sa gaganaping SEAG Federation meeting sa susunod na buwan.

Sa inisyal na impormasyon na inilabas ng Malaysia, may kabuuang 342 event mula sa 34 sports ang kabilang sa biennial meet. Iginiit ni Carrasco na karamihan sa inalis ay mga event na malaki ang kakayahan ng bansa na magwagi ng gintong medalya, kabilang na ang women’s event sa boxing, triathlon, at judo.

“We will finalize the summary and formalize our appeal. We are appealing for 70-80 more events,” pahayag ni Carrasco sa lingguhang POC radio program.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We are quite optimisitc kasi 342 events pa lang. Baka eventually maging 400 events. Maybe about 40 to 50 ang idadagdag,” aniya.

Ang 34 na sports na naunang inaprubahan ay ang athletics, aquatics, archery, badminton, basketball, boxing, cricket, cycling, equestrian, football and futsal, golf, gymnastics, hockey, ice hockey, ice skating, karate, lawn bowls, netball, pencak silat, petanque, rugby 7s, sailing, sepak takraw, shooting, snooker and billiards, squash, table tennis, taekwondo, tennis, tenpin bowling, volleyball (indoor), water ski, weightlifting, at wushu.

Umaapela ang sports association ng fencing, rowing, canoe kayak, triathlon, judo, at wrestling na makasama sa event, habang nais ng athletics, archery, billiards, boxing, cycling, rugby, wushu, at volleyball (beach) ang karagdagang event.