Ipinag-utos na ng Sandiganbayan Fifth Division ang pag-aresto kay retired Chief Supt. Raul Petrasanta at sa 10 iba pang retirado at aktibong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na isinangkot sa umano’y pagbibigay ng lisensiya sa mga AK-47 assault rifle na sinasabing napasakamay ng New People’s Army (NPA).
Sa isang resolusyon, naglabas ng warrant of arrest ang Fifth Division laban sa grupo ni Petrasanta matapos mapagtibay ng korte na may sapat na batayan upang ipursige ang kaso laban sa mga ito at makaraang ibasura ang una nilang kahilingan na ibasura ang asunto.
Ang resolusyon, na may petsang Pebrero 29, ay nilagdaan ni Fifth Division Chairman Rolando Jurado at nina Associate Justice Alexander Gesmundo at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta.
Dating hepe ng PNP Firearms and Explosives Office at naitalaga rin bilang security ng pamilya ni Pangulong Aquino, kinasuhan si Petrasanta ng 12 bilang ng paglabag ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kasama ring kinasuhan ang mga dating opisyal ng PNP-FEO na sina Director Napoleon Estilles; dating Civil Security Group chief Director Gil Meneses; at Firearms and Licensing Division head Chief Supt. Regino Catiis.
Kinasuhan din sina Senior Supt. Eduardo Acierto, Senior Supt. Allan Parreno, Supt. Nelson Bautista, Chief Insp. Ricardo Zapata Jr., Chief Insp. Ricky Sumalde, SPO1 Eric Tan, SPO1 Randy de Sesto; mga civilian employee na sina Nora Pirote at Sol Bargan; at Isidro Lozada, ng Caraga Security Agency.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay tanging sina Estilles, Parreno at Catiis ang nakapaghain ng piyansa bago pa nailabas ang resolusyon ng korte.
Napag-alaman ng Office of the Ombudsman na karamihan sa mga AK-47 assault rifle ay nailabas na at agad nalisensiyahan bagamat hindi pa naaaprubahan ang formal request na mailabas ang mga ito sa PNP storage sa Camp Crame.
(JEFFREY G. DAMICOG)