Mga laro ngayon

(Cuneta Astrodome)

3 n.h. -- Star vs Phoenix

5:15 n.h. -- Alaska vs Globalport

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Mainit ang panahon, gayundin ang kampanya ng Alaska Aces.

Laban sa nangungulelat na Globalport Batang Pier, target ng Aces na mahila ang winning streak sa lima at makisosyo sa liderato sa paglarga ng PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Haharapin ng Aces ang Batang Pier sa main game sa ganap na 5:00 ng hapon, habang magtutuos ang Star Hotshots at Phoenix Fuel Masters sa unang sagupaan dakong 3:00 ng hapon.

Tangan ng Aces ang 5-1 karta at nasa tamang kondisyon sila para makasosyo ang nangungunang Meralco Bolts (6-1) sa liderato.

Patuloy naman ang pagsubsob ng Batang Pier kasama ng Star at defending champion Tropang Talk ‘N Text na may 2-4 karta.

Rumolyo ang Aces sa ikaapat na sunod na panalo noong nakaraang Miyerkules matapos pataubin ang Barangay Ginebra, 86-80, sa pangunguna ng kanilang import na si Shane Edwards.

“Special mention on Calvin’s (Abueva) effort but it’s really a team thing,” pahayag ni Alaska coach Alex Compton.

Magkukumahog naman ang Batang Pier na maputol ang kinasadlakang tatlong sunod na pagkabigo, pinakahuli sa kamay ng Blackwater noong Marso 6, sa iskor na 103-115.

Mauuna rito, magtatangka naman ang bagong prangkisang Phoenix Petroleum na humanay sa Mahindra, Ginebra at Blackwater sa ikaapat na posisyon hawak ang patas na barahang 3-3 sa duwelo kontra Star.

Sisikapin ng Fuel Masters na makaahon mula sa kinahulugang tatlong dikit na kabiguan, ang huli sa kamay ng Aces, 89-105, noong Marso 4, habang tatangkain naman ng Hotshots na dugtungan ang malaking panalong naitala kontra Tropang Texters,96-88, noong Marso 6.