Agad na humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa mga pasahero ng LRT Line 1 matapos na dalawang beses na magkaaberya ang pintuan ng isang bagon ng tren, nitong Huwebes ng gabi.

Nasa Pasay depot pa rin ang tren at patuloy na sinusuri ang naging sanhi ng problema, lalo dahil may safety features na nakakabit sa bawat bagon upang mapanatiling nakasara ang pintuan habang umaandar ito.

Dakong 6:30 ng gabi nang unang pumalya ang pinto ng ikatlong bagon ng tren sa Central Station, na nagdulot ng takot sa mga pasahero na karamihan ay estudyante.

Tinawagan ng pansin ng mga pasahero ang guwardiya pagdating sa UN Station ngunit sinabihan lang umano silang kumapit nang mabuti sa handrails dahil nagbukas muli ang pintuan ng bagon nang umandar ito patungo sa kasunod na istasyon.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Pagsapit sa Pedro Gil station, sapilitang pinababa ang mga pasahero para sa kanilang kaligtasan at isinakay sa kasunod na tren habang idiniretso naman ang palyadong tren sa nasabing depot.

Naging viral sa Facebook ang nasabing aberya matapos i-upload ang video ni James Cubelo, 19, graduating student ng Technological University of the Philippines (TUP), at umabot sa 445,682 ang views kahapon ng 8:45 ng umaga.

Nangako naman ang pamunuan ng LRT na magsasagawa ito ng imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)