Kinastigo ni Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno ang Commission on Elections (Comelec), kasabay ng pagdepensa sa desisyon ng Korte Suprema na nag-aatas sa poll body na mag-isyu ng resibo sa mga botante sa halalan sa Mayo 9.
Kinapanayam sa 21st Philippine Women’s Judges Association (PWJA) sa Manila Hotel nitong Miyerkules, sinabi ni Sereno na nabigo ang Comelec na sagutin ang petisyon sa activation ng Voter Verification Paper Audit Trail (VVPAT), isang feature sa vote counting machine (VCM).
Ang petisyon ay inihain ni Bagumbayan-VNP Movement, Inc. at dating senador, Richard Gordon, ang pangunahing may akda ng Automated Election Law, at kandidato sa pagkasenador.
Kumilos sa petisyon, inutusan ng Korte Suprema ang Comelec na magsumite ng tugon nito sa loob ng limang araw mula sa petsa ng pagkakatanggap ng resolusyon. Nabigo ang Comelec na maghain ng kasagutan nito sa itinakdang panahon.
(Rey Panaligan)