SANGKATERBA ang oportunidad sa trabaho sa Pilipinas ngayon, sinabi ni Pangulong Aquino nang magtalumpati siya sa Los Angeles World Affairs Council. “Look at the classified ads every Sunday in the Manila Bulletin,” aniya pa.

Katatapos lang niyang dumalo sa pulong ng United States-ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) sa Sunnylands, California, nitong Pebrero at pabalik na sa bansa. Sinabi niyang naitala ang pinakamababang unemployment rate sa bansa simula noong 2010. Mas marami na ring overseas Filipino worker ang nagsibalik sa bansa dahil sa bumubuting lagay ng ekonomiya.

Totoong maraming oportunidad sa trabaho sa bansa ngayon. Gayunman, ang problema ay ang hindi pagiging angkop ng mga iniaalok na trabaho sa mga kuwalipikasyon ng mga naghahanap nito.

Tinatayang may 1.2 milyong nagtapos sa kolehiyo at vocational ang magsisipaghanap ng trabaho ngayong buwan, ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP)-Nagkaisa, ngunit mahihirapan silang mapasok sa trabaho dahil sa umiiral na job-skills mismatch crisis sa bansa. Ilang taon na itong nangyayari at patuloy itong lumalala dahil sa kakapiranggot o kawalan ng pag-aksiyon ng mga eskuwelahan tungkol dito.

Patuloy na nagdadagdag ang mga employer ng mga kuwalipikasyong hindi makatutupad ang isang kababago lang nagtapos sa pag-aaral, ayon sa tagapagsalita ng TUCP. Mangangailangan ang mga aplikante ng karagdagang pagsasanay, na nangangahulugan ng dagdag na gastos at pagsusumikap. Marami ang hindi nakahahanap ng trabaho, o kaya naman ay kulang ang kinikita.

Sa 4,239,392 domestic at international job vacancy na inialok sa 3,686 na job fair sa bansa noong 2014 at 2015, nasa 1,286,073 lamang ang aplikante, ayon sa tagapagsalita. Sa bilang na ito, tanging 391,088 lamang ang agad na kinuha para magtrabaho.

Ito ang ugat ng problema. Mismong si Pangulong Aquino ang tumukoy dito nang magtalumpati siya sa Los Angeles, matapos niyang sabihin, “The economy is definitely growing, there are so many opportunities. But, of course, it is a marketplace. The needs and the skills – the supply and the demand – really have to interact whether or not you’ll get the job,” aniya.

Batid na ang problema sa hindi naaangkop na hinihiling sa karamihan ng mga bakanteng posisyon sa kuwalipikasyon ng mga aplikante, dapat na pagsikapan ng mga eskuwelahan na baguhin ang kani-kanilang programa. Dapat na mapayuhan ang mga estudyante na magbago ng kurso, gaya sa information technology, engineering, sales at marketing, kaysa mga tradisyunal na course.

Ang pangunguna sa mga hakbangin para rito ay dapat na inaako ng gobyerno, partikular na ng Commission on Higher Education (CHEd) at Department of Education (DepEd), upang magabayan ang mga estudyante sa mga uri ng trabahong iniaalok sa Bulletin Classified Ads at sa libu-libong job fair sa iba’t ibang panig ng bansa. Naipatupad na ito ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kaya naman marami sa nagsanay sa ahensiya ay nakasumpong ng trabaho rito at sa ibang bansa.

Ngunit marami sa mga nagtapos ng kolehiyo sa bansa ay muling mabibigong makahanap ng trabaho ngayong taon, gaya ng tinaya ng TUCP, dahil sa nagpapatuloy na mismatch ng kanilang pagsasanay sa mga pangangailangan ng mundo sa labas ng kanilang eskuwelahan. Kung agad na tututukan at matutugunan ng gobyerno ang problemang ito, mas agaran itong matutuldukan—o kahit maibsan man lang—ang problema sa kawalan ng trabaho sa bansa.