ANG pagtatapos ng kabataang Pilipino ay tradisyunal na ginaganap tuwing Marso, ngunit dahil sa pagbabago ng kalendaryo ng akademya sa maraming unibersidad, ang pagtatapos sa kolehiyo sa taong ito ay sa Mayo na idaraos. Ang Department of Education (DepEd) ang nagtatakda sa graduation rites para sa mga eskuwelahan sa elementarya at sekundarya, pampubliko man o pribado, habang ang Commission on Higher Education naman ang nagpapalabas ng mga panuntunan para sa pagtatapos sa kolehiyo.

Nakasaad sa DepEd Order No. 7, series of 2016, na ang end-of-school-year rites sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan sa elementarya at sekundarya sa bansa ay dapat na idaos bago o pagsapit ng Abril 1, 2016. Ang kasalukuyang school year 2015-2016 ay pormal na nagbukas noong Hunyo 1, 2015, at magtatapos sa Abril 1, 2016; binubuo ito ng 201 araw ng klase, kabilang ang limang-araw na semestral break.

Ang araw ng pagtatapos—isang seremonya sa panibagong kabanata sa buhay ng kabataan—ay isang dahilan para magdiwang.

Isa itong pagkakataon para magpasalamat ang mga estudyante sa kanilang mga magulang at mga guro na gumabay at tumulong sa kanila sa mga taon ng pagkatuto, sa loob at labas ng silid-aralan. Partikular na nagmamalaki at masaya ang mga magulang sa pagtatapos ng kanilang mga anak; ang mga kaibigan at kamag-anak ay nakikisaya rin sa pagdalo sa pagtatapos ng kabataang malalapit sa kanila. Sa Pilipinas, kahit ang pagtatapos ng mga mag-aaral sa kindergarten, na nagmamartsa suot ang puting toga, ay isang nakatutuwang selebrasyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang tema para sa seremonya ng pagtatapos ngayong taon ay “Kabataang Mula sa K-to-12, Tagapagdala ng Kaunlaran sa Bansang Pilipinas”, na nakatuon sa K-to-12 Basic Education Program bilang isang gabay sa pagbabago para sa lokal at pambansang kaunlaran. “Through the provision of quality education, the K-to-12 Basic Education Program develops and harnesses the skills and competencies of the Filipino youth that will lead to human and community development,” ayon sa DepEd.

Ang K-to-12 curriculum, na unang inialok noong school year 2012-2013, ay sumasaklaw sa 13 taon ng pangunahing edukasyon: ang “K” ay para sa kindergarten at ang “12” ay ang susunod na anim na taon sa edukasyong elementarya, apat na taon sa junior high school, at dalawang taon sa senior high school, na ang huli ay sisimulan sa school year 2016-2017.

Sa nakalipas na mga taon, nanawagan ang DepEd para sa simple, makabuluhan, at hindi pulitikal na seremonya ng pagtatapos sa taong ito ng eleksiyon, at isang hihimok sa mga karapatang sibil, sa pagmamalasakit sa komunidad, at pagiging responsable, na idaraos “without excessive spending, extravagant attire, or extraordinary venue.” Dapat na “no collection” ng graduation fees sa mga pampublikong paaralan.

Sa seremonya para sa pagtatapos ng school year, ang mga nasa Grade 6 na nakakumpleto ng edukasyong elementarya ay tatanggap ng kanilang elementary certificate. Ang mga estudyante naman sa Grade 10 na nakatapos ng junior high school ay dadalo sa isang completion ceremony upang tanggapin ang kanilang junior high school certificate. Ang mga estudyante naman ng Grade 12 mula sa mga eskuwelahang aprubado ng DepEd ang K-to-12 transition plan, mga nagtapos sa mga paaralang may permit para mag-operate ng senior high school noong school year 2014, at mga nagtapos sa mga international school na may programang K-to-12, ay pawang tatanggap ng high school diploma.