Naghahanda na ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa Boracay Island, sa lalawigan ng Aklan, sa inaasahang pagdagsa ng mga lokal at banyagang turista ngayong ng tag-araw, partikular na sa Semana Santa.
Ayon kay Police Inspector Mark Joseph Gesulga, deputy ng Boracay-PNP ilan sa mga paghahanda nila ang pagpapagana sa 18 CCTV (closed-circuit television) sa front beach para ma-monitor ang kaayusan sa isla.
Gagamitin rin ng tourists police ang dalawang bagong all terrain vehicle.
Ang tag-araw ay itinuturing na super peak season sa isla ng Boracay dahil ito ang panahon na dagsa ang mga turista mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ayon kay Gesulga, sisimulan nila ang pinaigting na seguridad sa Semana Santa at magtutuluy-tuloy na ito hanggang sa matapos ang summer season sa buwan ng Hunyo. (JUN N. AGUIRRE)