BAGO CITY, Negros Occidental — Nakatuon ang atensiyon kina George Oconer ng LBC-MVP Sports Foundation developmental team at Mindanao Leg champion Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance sa pagsikad ngayon ng Visayas Leg ng 2016 LBC Ronda Pilipinas.

Hindi nagsayang ng panahon ang 22-anyos na si Oconer, gayundin ang iba pang miyembro ng LBC-MVPSF squad, na kaagad na nagpahiyang matapos dumating ang delegasyon nitong Miyerkules.

Ang grupo ni Oconer, nabigong makasali sa Mindanao leg sa nakalipas na buwan, ang matinding hahamon kay Morales at sa kanyang koponang Navymen.

“We’re eager to race,” sabi ni Oconer, tumapos sa ikalawang puwesto sa overall standing sa nakalipas na taon na pinagbidahan ni Santy Barnachea.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Kabilang din sa LBC-MVP team sina Rustom Lim, Ronald Lomotos, Mark Julius Bonzo, at Jerry Aquino, Jr.

Bukod sa Minda title ni Morales, nakamit ng Navy ang overall team championship matapos pumasok sa top 10 ang anim pang Navy rider tulad nina Lloyd Lucien Reynante at Ronald Oranza.

“We knew all along it will be a different race come the Visayas Leg and we’re ready for whatever challenge we will face,” sabi ni Reynante.

Isa pang magbibigay ng hamon ang Mindanao riders na sina Ranlen Maglantay at James Paolo Ferfas pati na ang iba pang siklista mula sa Bacolod at Iloilo.

“The field will be much stronger here, which will make it more exciting,” sabi ni LBC Ronda project director and LBC sports development head Moe Chulani.

Dumating din ang Ronda president commissar na si Mickey Rob upang tulungan ang karera na bigyan ng maayos na programa.

“His experience will be a big factor to ensure the success of our race,” pahayag ni Chulani, patungkol kay Rob, na isang beteranong race official at namahala sa maraming internasyonal na karera kabilang ang Tour de France.

Sisimulan ang karera sa isang criterium na susundan ng isa pang criterium sa Iloilo sa Linggo.

Dagdag atensiyon sa Iloilo Stage Two ang pagdiriwang ng Iloilo Bike Festival na lalahukan ng libu-libong rider na kabilang sa mga amateur, executive at mahilig sa bisekleta.

Isasagawa ang Stage Three na road race sa Martes na magsisimula sa Iloilo at matatapos sa Roxas City.

Kukumpletuhin ang Visayas Leg sa Individual Time Trial Stage Four sa umaga at ang Stage Five criterium kinahapunan sa loob ng isang araw.

Ang karera na matagumpay na pinapatakbo ng LBC Express sa pamamagitan ng kanilang logistics arm ay sanction ng PhilCycling at itinataguyod ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX. (Angie Oredo)